top of page
Search

ni Lolet Abania | August 25, 2021



Ipinahayag ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ngayong Miyerkules na nagpositibo siya sa test sa COVID-19 subalit aniya, mabuti naman ang kanyang kondisyon.


“Ikinalulungkot kong ipabatid na ako ay nakumpirmang positibo sa COVID -19,” ayon sa Facebook post ni Malapitan. Tiniyak naman ni Malapitan sa mga residente ng Caloocan na ang city government ay patuloy sa kanilang mandato at responsibilidad para tugunan ang pangangailangan ng lungsod.


Ayon sa mayor, patuloy din niyang imo-monitor ang siyudad sa pamamagitan ng iba’t ibang sangay ng lokal na pamahalaan. Pinayuhan naman ni Malapitan ang mga naging close contact niya na sumailalim sa swab testing na aniya ay libre sa naturang lungsod at mag-self-quarantine.


Sinabi pa ni Malapitan na ang mga natukoy na indibidwal ay kailangan lamang makipag-ugnayan sa City Health Department o sa Barangay Health Center ng Caloocan. Maaari silang tumawag sa COVID-19 hotlines sa 09668274519 o 09478834430 ng lungsod.


 
 

ni Lolet Abania | May 11, 2021




Nabiyak ang ilong at halos basag ang mukha ng isang television cameraman matapos na bugbugin ng tatlo umanong indibidwal na kabilang sa mga nag-swimming sa isang resort na ilegal na nagbukas sa gitna ng umiiral na modified enhanced community quarantine sa Caloocan City noong Linggo.


Agad na isinugod sa ospital ang biktimang si Arnel Tugade, cameraman ng isang television station, dahil sa tinamong matinding tama sa mukha makaraang pagtulungan umano ng tatlong lalaki.


Sa ulat, hawak ng biktima ang kanyang camera habang kinukunan ng video ang tinatayang 100 hanggang 200 katao na nag-swimming sa Gubat sa Ciudad sa Caloocan City.


Nang makita niya ang isang jeep na puno ng pasahero at marami na ring nag-uuwiang nagsipag-swimming, sinundan niya ito ng mga kuha ng video saka nangyari ang insidente.


“Nu’ng pag-zoom out ko, doon ko na nakita na pasugod na itong sumuntok sa akin. Hinawakan niya ‘yung lente ng camera ko sabay na jinab (jab) sa mukha ko,” ani Tugade.


“Wala na akong nagawa. Bale tatlo sila,” dagdag niya.


Kinilala ni Caloocan City Police Station chief Col. Samuel Mina, ang magkapatid na suspek na sina Dennis at Daniel Cawigan habang ang isa pang suspek ay agad na tumakas.


Depensa ng suspek na si Dennis, pinalo umano ni Tugade ng camera ang kapatid niya. Subalit, itinanggi ito ni Tugade.


“Puro sa mukha ‘yung puntirya nila… kaya biyak ‘yung sa ilong ko, sa mata hanggang sa baba ng ilong,” pahayag pa ni Tugade sa isang interview.


“Paglabas nila, kami ang nabungaran nila doon na may media. Kaya siguro iniisip nila, dahil sa media kaya naudlot ‘yung kanilang pagsaya doon… Actually, lahat ng nag-swimming doon, marami sila, sinisigawan kami, ‘Ayan, may media pa kasi,’” sabi pa ni Tugade.


Nakakulong na ang dalawang suspek at sumailalim sa inquest proceedings habang inihahanda ang isasampang kaso laban sa kanila.


Una rito, iniutos na ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na isara ang Gubat sa Ciudad resort dahil sa ginawang pagbubukas nito kahit nasa ilalim pa ng MECQ ang Metro Manila.


Binawi na rin ng alkalde ang business permit at permit to operate ng nasabing resort habang nakatakdang sampahan ng kaso ang may-ari nito.


Samantala, iniutos ng Department of Health na i-quarantine ng 14 na araw ang mga dumagsa sa resort para mag-swimming na kinabibilangan ng mga bata at mga matatanda.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 10, 2021



Bukod sa may-ari ng Gubat sa Ciudad public pool sa Caloocan na nahuling nagsasagawa ng operasyon sa kabila ng pagsasailalim sa NCR Plus sa modified enhanced community quarantine (MECQ), pinag-aaralan ding kasuhan ang barangay chairman sa naturang lugar, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ngayong Lunes.


Pahayag ni Eleazar, "Talagang kakasuhan ng PNP itong may-ari and pinag-aaralan na file-an ng kaso pati 'yung barangay chairman in the area for violation of Art. 208. They have to justify bakit nahayaan na mangyari 'yan.


"This should serve as a lesson and warning again to all others not just the establishments, owners and management, but the barangay chairmen.”


Sa tulong ng Northern Police District, ayon kay Eleazar ay pinag-aaralan na ring sampahan ng kaso ang mga nag-swimming sa naturang resort.


Samantala, una nang ipinag-utos ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang pagpapasara sa Gubat sa Ciudad resort at aniya ay kakasuhan ang may-ari nito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page