ni Ryan Sison @Boses | Dec. 24, 2024
Good news para sa ating mga lolo at lola.
Hindi na kasi kailangang ipakita pa ng mga senior citizen ang kanilang purchase booklets para makakuha ng discount sa kanilang mga gamot.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro “Ted” J. Herbosa, nilagdaan na niya ang isang bagong administrative order (DOH AO No. 2024-0017) upang tanggalin ang requirement o pangangailangan para sa mga senior citizen na magpakita ng purchase booklet sa pagbili sa mga botika, na dati ay kasama ng valid ID at reseta ng doktor, upang makakuha ng diskuwento, kasunod ng Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Sinabi ng kalihim na siya bilang isa ring senior citizen ay batid ang hirap ng laging pagdadala ng purchase booklet kung bibili ng mga gamot. Giit niya na kailangan ng mga nakatatanda ang discount sa kanilang mga gamot, kung saan dapat na madali itong makuha.
Aniya pa, hindi na dapat sila mahirapan pa sa pagbili sa tuwing may mga bagong reseta ng gamot ang kanilang mga doktor.
Tama ang ginawang ito ng kagawaran na mabigyan ng kaginhawaan at mas abot-kayang mga gamot para sa lahat ng ating senior citizen.
Mahirap naman talaga para sa ating mga lolo’t lola na magdala-dala pa ng kung anu-anong mga abubot gaya ng purchase booklet bago sila makabili na may discount ng reseta sa kanilang mga gamot.
Mas mabuting magpakita na lamang sila ng valid ID sa tuwing bibili sa mga botika dahil mas kumbinyente rin ito para sa kanila.
Sa kinauukulan, sana ay patuloy na pagtuunan ng pansin hindi lang ang kapakanan ng ating mga senior citizen, kundi pati na rin ang kalagayan ng mga mamamayan. Laging isipin ang mas makabubuti at may pakinabang para sa lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com