ni Lolet Abania | March 18, 2021
Isasailalim sa mas mahigpit na restriksiyon ang lahat ng opisina ng gobyerno at mga state owned and controlled operations kung saan bibigyan lamang sila ng 30% hanggang 50% operational capacity na magsisimula sa Marso 22 hanggang Abril 4 dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
Ito ang nakasaad sa Memorandum Circular 85 na inisyu ni Executive Secretary Salvador Medialdea ngayong Biyernes, March 19, kasabay ng naitalang pinakamataas na bilang na 7,103 na bagong kaso ng COVID-19 sa isang araw simula nang magkapandemya.
Nakapaloob din sa memo na ang polisiya ay ipapatupad, “unless a higher capacity is required in agencies providing health and emergency frontline services, border control, and other critical services.”
Ayon pa sa memo, kaunti lamang ang dapat na bilang ng mga empleyado o manggagawa na papayagan o kailangang mag-report sa trabaho sa isang partikular na ahensiya ng gobyerno.
Gayundin, nakasaad sa memo na ang lahat ng ahensiya, kabilang ang bawat opisina at unit nito, ay dapat tiyakin na hindi maaantala o mahihinto ang kani-kanilang serbisyo at trabaho sakaling nagpatupad ng alternatibong work arrangements ang kanilang ahensiya at naaayon ito sa panuntunan at regulasyon ng Civil Service Commission.
Dagdag pa rito, ang head ng ahensiya ay kinakailangang magsumite ng request sa Office of the President para sa clearance sakaling i-shut down ang kanilang opisina, kabilang ang paghahain ng mga data at ang itatagal ng pagsasara nito, at kapag ang isang ahensiya ay magpapatupad ng temporary closure dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
“No closure shall be implemented until such clearance is obtained from the Office of the President,” ayon sa memo.