ni Lolet Abania | June 13, 2021
Isang restoran sa Quezon City ang nahuling lumabag sa health safety protocols matapos na mag-operate ngayong Linggo ng full capacity ng kanilang indoor dining sa kabila ng mahigpit na ipinatutupad na quarantine restrictions sa NCR Plus.
Lumalabas na ang restoran ay nag-accommodate ng mga customers para sa kanilang indoor dining nang 100% at wala rin itong Mayor’s Permit na nakapaskil dapat sa dining area.
Sa ngayon, ang National Capital Region at karatig-probinsiya ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions nang hanggang Hunyo 30.
Sa ilalim ng GCQ with heightened restrictions, ang indoor dining ay nasa 20 porsiyentong kapasidad lamang habang ang outdoor o al fresco dining ay 50% capacity.
Ayon sa mga awtoridad, ang naturang restaurant ay posibleng ipasara dahil sa ginawang paglabag. Gayunman, wala namang naging pahayag ang may-ari ng restaurant habang wala ring binanggit na iba pang detalye ang pulisya.