top of page
Search

ni Lolet Abania | June 17, 2022



Hindi na kailangan pang maghabol para sa huling sakay ng mga commuters sa Light Rail Transit Line 2 (LRT2) dahil pinalawig na ang operating hours ng railway, ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA).


Sa isang advisory ngayong Biyernes, ipinahayag ng LRTA na simula Hunyo 17, 2022, ang operasyon ng LRT2 ay papalawigin upang anila, “to serve more passengers.”


“From the original schedule of 8:30 p.m., the last commercial train departing from Antipolo station will be adjusted to 9:00 p.m.,” ani LRTA. Gayundin, ang huling commercial train na aalis mula Recto station ay magiging alas-9:30 ng gabi mula sa orihinal na alas-9:00 ng gabi.


“The move is line with the goal of the Department of Transportation (DOTr), under the leadership of Secretary Art Tugade, and the Light Rail Transit Authority to aid the commuting needs of the riding public by serving for longer hours as more employees are returning to onsite work and students attending face-to-face classes,” pahayag ng LRTA.


Ang 17-kilometer LRT2 ay mayroong 13 stations, sa kahabaan nito mula Recto Avenue sa Manila hanggang Masinag sa Antipolo, Rizal.


 
 

ni Lolet Abania | March 28, 2022



Binuksan na ulit ang Terminal 4 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ang halos dalawang taon na isinara ito sanhi ng pandemya ng COVID-19 ngayong Lunes, ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA).


Dahil sa limitado ang mga flights noong mga nakaraang taon kasabay ng pagpapatupad ng mga travel restrictions, ipinatigil naman ang operasyon ng Terminal 4 ng NAIA.


Subalit nang lumuwag ang mga restriksyon habang isinailalim na rin sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR), muling nag-operate ang naturang terminal, kung saan napuno ito ng mga biyahero ngayong araw.


“’Yung T3 (Terminal 3) po ay napupuno dahil lahat ng mga domestic flight ay nanggagaling dito bago natin isinarado, ay inilipat natin sa T3,” pahayag ng general manager ng MIAA na si Ed Monreal.


Gayunman, kahit na isinara ang Terminal 4 sa mga flights operation, nagamit naman ito bilang COVID-19 vaccination site.


 
 

ni Lolet Abania | March 18, 2021




Isasailalim sa mas mahigpit na restriksiyon ang lahat ng opisina ng gobyerno at mga state owned and controlled operations kung saan bibigyan lamang sila ng 30% hanggang 50% operational capacity na magsisimula sa Marso 22 hanggang Abril 4 dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.


Ito ang nakasaad sa Memorandum Circular 85 na inisyu ni Executive Secretary Salvador Medialdea ngayong Biyernes, March 19, kasabay ng naitalang pinakamataas na bilang na 7,103 na bagong kaso ng COVID-19 sa isang araw simula nang magkapandemya.


Nakapaloob din sa memo na ang polisiya ay ipapatupad, “unless a higher capacity is required in agencies providing health and emergency frontline services, border control, and other critical services.”


Ayon pa sa memo, kaunti lamang ang dapat na bilang ng mga empleyado o manggagawa na papayagan o kailangang mag-report sa trabaho sa isang partikular na ahensiya ng gobyerno.


Gayundin, nakasaad sa memo na ang lahat ng ahensiya, kabilang ang bawat opisina at unit nito, ay dapat tiyakin na hindi maaantala o mahihinto ang kani-kanilang serbisyo at trabaho sakaling nagpatupad ng alternatibong work arrangements ang kanilang ahensiya at naaayon ito sa panuntunan at regulasyon ng Civil Service Commission.


Dagdag pa rito, ang head ng ahensiya ay kinakailangang magsumite ng request sa Office of the President para sa clearance sakaling i-shut down ang kanilang opisina, kabilang ang paghahain ng mga data at ang itatagal ng pagsasara nito, at kapag ang isang ahensiya ay magpapatupad ng temporary closure dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.


“No closure shall be implemented until such clearance is obtained from the Office of the President,” ayon sa memo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page