ni Jasmin Joy Evangelista | September 20, 2021
Naaktuhan ng mga pulis ang daan-daang tao sa loob ng isang cockpit arena sa Barangay Tambo, Parañaque noong Sabado.
Ito ay matapos makatanggap ng impormasyon ang Parañaque City police na mayroong mass gathering sa Roligon Mega Cockpit Arena sa Quirino Avenue.
Nang puntahan daw ito ng pulisya, tumambad sa kanila ang napakaraming tao na nagsasagawa ng isang online sabong event.
Hindi pinaalis ang nasa 270 katao na naabutan sa loob at naghihintay makapasok dahil sa paglabag ng mga ito sa physical distancing guidelines.
Kabilang dito ang ilang negosyante at mga observer ng operasyon.
Ayon sa mga pulis, walang naipakitang kaukulang permit ang may-ari ng kompanyang nagpapatakbo ng online sabong kaya ipinahinto ito.
Ayon naman sa may-ari, dry run lang umano ang aktibidad at may permit sila mula sa PAGCOR.
Ipinagbabawal ang sabong at iba pang pagsusugal sa ilalim ng Alert Level 4, pwera lang kung awtorisado ito ng IATF o ng Office of the President.
Inisyuhan ng official violation receipts ang mga nahuli roon at pinauwi rin.