top of page
Search

ni Lolet Abania | March 1, 2022



Ipinahayag ng Malacañang ngayong Martes na wala pang inisyung order si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagpapatigil ng operasyon ng electronic/online sabong (e-sabong).


Ito ang naging tugon ni acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles isang araw matapos na ianunsiyo ni Senate President Vicente Sotto III na aniya, “the President has agreed to suspend the licenses for e-sabong operations,” sa gitna ng pagkawala ng tinatayang 31 sabungero.


Binase ni Sotto ang kanyang announcement sa naging pag-uusap nila ni Senador Ronald dela Rosa.


“Procedurally, kailangan ng Senate resolution to be sent to PAGCOR. Then PAGCOR [should be the one] to advise the Office of the President with regard to that,” paliwanag ni Nograles na ang tinutukoy ay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).


“The Resolution [has] yet to reach the PAGCOR or the OP,” sabi pa ni Nograles.


Ang Senate public order and dangerous drugs committee na pinamumunuan ni Dela Rosa ay inaprubahan na ang isang resolution na humihimok sa PAGCOR para isuspinde ang issuance ng mga lisensiya sa mga online sabong operations.

 
 

ni Lolet Abania | February 28, 2022



Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte na isuspinde muna ang mga lisensiya ng online cockfighting o “e-sabong”, habang nakabinbin ang resolusyon ng mga kaso ng 31 missing cockfighting enthusiasts o “sabungeros,” ayon kay Senate President Vicente Sotto III ngayong Lunes na mula aniya, sa ibinigay na impormasyon ni Senador Ronald dela Rosa.


“Sen. Dela Rosa informed me that PRRD told him yesterday that he agrees!” ani Sotto sa isang tweet. Subalit, wala pang kumpirmasyon sa ngayon si Dela Rosa hinggil sa naging pahayag ni Sotto. Samantala, sinabi ng Malacañang na maghintay na lamang muna ang publiko ng anunsiyo na manggagaling kay Pangulong Duterte.


“Abangan na lang natin mamaya sa Talk to the People, or even before that kung meron kaming ilalabas na announcement,” sabi ni acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles sa isang press briefing.


Si Dela Rosa ay siyang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kung saan iniimbestigahan ang pagkawala ng 31 sabungero.


Sa isang Senate hearing noong nakaraang linggo, nag-propose ng isang resolution sina Sotto at Senador Panfilo Lacson na humihiling kay Pangulong Duterte para atasan nito ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pansamantalang itigil ang mga e-sabong operations.


Kabilang sa mga existing e-sabong licenses ay sa Belvedere Vista Corp., Lucky 8 Star Quest Inc., Visayas Cockers Club Inc., Jade Entertainment And Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corp., Philippine Cockfighting International Inc. at Golden Buzzer, Inc.


Ayon kay PAGCOR Acting Assistant Vice President for E-Sabong Department na si Diane Erica Jogno, agad namang susunod ang ahensiya sa pagpapasuspinde sa mga lisensiya ng mga e-sabong.


“We are okay with suspending e-sabong and we will secure approval from the Office of the President,” sabi ni Jogno.


Nakatakda naman ang susunod na Senate hearing hinggil sa nawawalang sabungero sa Biyernes, Marso 4.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | December 2, 2021



Bistado ang isang kolektor ng pautang sa Mangaldan, Pangasinan matapos magpanggap na naholdap dahil naipatalo umano sa online sabong ang perang nakolekta.


Batay sa ulat, kinilala ang suspek na si Norjude Reyes, isang lending collector.


Nag-report umano si Reyes na naholdap siya at natangay ang koleksiyon niya na mahigit P18,000 sa Barangay Banaoang.


Nagpakita pa ito ng galos sa tagiliran na natamo raw niya sa ginawang panghoholdap ng dalawang lalaki at tinukoy pa ang dalawang suspek na nangholdap umano sa kaniya.


Ngunit ayon kay Police Lieutenant Arnel Diopesa, Deputy Officer, Mangaldan Police, napag-alaman sa kanilang imbestigasyon na ginawa umano ni Reyes sa sarili ang galos at hindi rin totoo na nabiktima siya ng panghoholdap.


"Lumalabas sa investigation na siya ay natalo sa online sabong," ani Diopesa.


Sinabi rin nito na ipinusta ni Reyes ang mahigit P18,000 na nakolekta niya sa pautang.


Mahaharap sa patong-patong na kaso si Reyes dahil sa nangyari.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page