ni Jasmin Joy Evangelista | October 7, 2021
Ramdam na umano ang pagbaba ng mga kaso sa Metro Manila base sa naitatalang transaksyon ng One Hospital Command Center, ayon kay Health Sec. Francisco Duque.
“Ang mga araw-araw na transaksyon na tinatanggap ng One Hospital Command ay talagang bumababa na at nagkaroon po ng average na mga 284 transactions kada araw," ani Duque.
"At ang pinakamataas po na amin pong naobserbahan na bilang ng transaksyon ay 4 — 547 noon pong Agosto, ika-31 ng Agosto. But of course, dito nakita na lang dito inumpisahan sa September, 367 at makikita po natin as of October 6 ay nasa 208 transactions ang natanggap ng One Hospital Command."
Mas mababa rin daw ng 25% ang recorded cases ngayong linggo kumpara noong nakaraang linggo, dagdag ni Duque.
"Positivity rate ng atin pong mga kaso ay bumaba na rin po to 18% of all cases or all tests ang positivity rate ay nasa 18%. Nanggaling po ito sa mataas umabot hanggang 27%. So again . . . ito po ay senyal na talagang nag-umpisa na po ang pagbaba ng atin pong mga kaso," mungkahi niya.
Matatandaang una nang inihayag ng DOH na posibleng "artificial" o hindi totoo na bumababa na ang mga kaso ng COVID-19 dahil sa ilang factor, tulad ng pagbaba ng kapasidad ng mga testing laboratory nitong mga nakaraang araw.