ni BRT @News | September 17, 2023
Pinayuhan ng isang opisyal ng Department of Energy (DOE)ang mga motorista na gamitin ang kanilang "power of choice" sa pagbili ng produktong petrolyo sa harap ng panibagong price hike na ikinakasa ng mga kumpanya ng langis ngayong Linggo.
Ayon kay Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, may mga gasolinahan na nagbibigay ng diskwento kada litro kaya malaking bagay ito para makatipid sa gastos.
"Maging wise tayo. Gamitin natin 'yung power of choice. Kasi mas makikita doon sa monitoring ng Department of Energy, may mga gasolinahan na nagbibigay ng hanggang P4 discount per liter," ani Romero.
Sinabi ng opisyal na mas mura sa mga maliliit na gasoline station at independent oil players kaya nasa mga motorista na ang pagpapasya.
Karamihan aniya ay makikita ang mga ito sa Commonwealth, Quezon City.
"Ibig sabihin, mayroong ganu'ng nagbibigay kamura so ang mga mamamayan o mga motorista kung sakaling kaya pang umabot doon ang kanilang mga gasolina, susulitin natin 'yun," dagdag ni Romero.
Tiniyak ng opisyal na tuluy-tuloy ang kanilang gagawing monitoring sa iba't ibang gasolinahan upang masigurong sumusunod ang mga ito sa kalidad ng kanilang mga produkto at patas sa kanilang customers.
Inaasahang tataas sa ika-11 pagkakataon ang presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo.
Maaari umanong magpatuloy hanggang Disyembre ang taas-presyo sa petrolyo.