ni Oghie Ignacio - @Stars Connection | January 30, 2021
Kahit may mga nagtataas ng kilay at mga kontra sa gustong ipatayong Superstar resto- memorabilya ng Godfather Productions mega producer na si Joed Serrano para kay Nora Aunor ay buo pa rin ang desisyon niyang ituloy 'yun.
Katunayan ay naghahanap na siya ng lugar at loteng puwede niyang patayuan ng naturang resto na sa kauna-unahang pagkakataon ay siya lamang ang makagagawa sa kasaysayan ng industriya ng local showbiz na matagal nang pangarap ng mga Noranians sa buong mundo.
Maganda ang layunin ni Joed sa pagpapatayo ng resto para kay Mama Guy na magsisilbi ring tourist destination kung sakali. Dahil bukod sa kakain na ng masasarap ang mga pupunta roon ay maaaliw pa silang makita ang napakaraming plake at tropeo ng pagkilala sa kahusayan ni Mama Guy bilang singer at aktres.
Magsisilbing museum 'yun ng pagiging multi-awarded niyang alagad ng sining na dapat makita ng lahat lalo na ng millennial ngayon, 'ika nga, at bilang tribute rin ng Godfather produ sa tinitingalang pinakamaningning na bituin ng Pilipinas sa loob ng mahigit limang dekada.
Kantiyaw tuloy ng mga miron ay baka kulangin sa espasyo ang naturang Superstar resto once na idinispley lahat doon ang halos dalawang daang mga karangalang nakamit ni Mama Guy, isama pa ang international awards niya.
So, kung may Elsa statue na ipinagawa si Sen. Imee Marcos sa Paoay, Ilocos bilang parangal sa iconic character ni Nora sa Himala movie, heto ngayon at eeksena naman ang Superstar resto-memorabilya ni Joed na inaabangan at ikasisiya ng lahat, lalo na ng mga Noranians sa buong kapuluan.