ni Mylene Alfonso @News | September 27, 2023
Kinuwestiyon ni Sen. Raffy Tulfo ang pagkakaroon ng mga VIP lounge sa mga paliparan sa bansa at sinabing ang mga ito ay dapat na gawing lounge para sa overseas Filipino workers (OFWs).
Ginawa ni Tulfo ang pahayag sa pagdinig ng Senate committee on migrant workers sa Senate Bill 2077 o Balikbayan Hub Act, na layuning lumikha ng mga hub na may tulugan, shower, banyo, at komplementaryong pagkain at inumin para sa mga OFW.
“Alisin na kaya natin ‘yung mga VIP lounge na ‘yan? Sino ba ‘yung mga VIP na dapat uupo doon, pupunta doon? Imbes na mga VIP lounge na ‘yan na ang lalaki, eh bakit hindi na lang natin i-convert sa OFW lounge mga ‘yun?” mungkahi ni Tulfo.
Ayon pa sa senador, “unnecessary” ang mga VIP lounge.
“Kasi ‘yung mga VIP can afford naman sila kumuha ng Mabuhay Lounge, 'di ba? Can afford naman silang dumating ng late kasi nga VIP naman sila. Kung minsan iniintay pa ng eroplano. Eh, ‘yung mga OFWs natin pumupunta nang maaga tapos nade-delayed ‘yung flights. Natetengga sila d'yan sa paligid-ligid,” paliwanag ng senador.
Sa panig ni Manila International Airport Authority (MIAA) OIC Senior Assistant General Manuel Gonzales, inihayag niya na maganda ang mungkahi ng senador.
Idinagdag ni Gonzales, na gumagawa na ang MIAA ng memorandum of agreement sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa paglalagay ng hub sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Binanggit naman ni OWWA Administrator Arnel Ignacio na nais nilang magkaroon ng mapagtatambayan ang mga OFW sa NAIA Terminal 3. Naglaan umano sila ng P7 milyon para sa renovation.
Hiniling naman ni Department of Migrant Workers (DMW) OIC Undersecretary Hans Leo Cacdac, na isama ang lahat ng uri ng OFWs sa naturang panukala.