ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 4, 2023
Nakauwi na sa 'Pinas ang 10 overseas Filipino workers (OFW) mula sa Lebanon kung saan may tensyon sa pagitan ng Israel at mga miyembro ng Hezbollah.
Ito ay ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac sa isang panayam sa Super Radyo dzBB ngayong Sabado.
Inanunsiyo ni Cacdac na ang dumating na anim na OFWs sa Pilipinas noong Biyernes ay ang ikalawang grupo ng mga nag-repatriate mula sa Lebanon.
Dagdag niya, apat na hiling para sa repatriation mula sa 26 OFWs sa West Bank ang kasalukuyang isinasagawa.
“Meron na [ding] dalawang nakatawid from West Bank to the Allenby Border Crossing to Jordan at nasa Jordan na sila. Hopefully, magkaroon pa ng pag-process ng mga gusto nang makauwi,” ani Cacdac.
Sinabi ni Cacdac na ang kakulangan ng mga flight at ang pagkaantala sa pagproseso ng mga dokumento ay ilan sa mga hamon na kinahaharap para sa repatriation.
Sinabi rin ni Cacdac na inaasahan na may isa pang grupo na binubuo ng 23 Pilipino ang darating mula sa Lebanon sa Lunes.