ni Lolet Abania | February 15, 2022
Dinagdagan at ginawa na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa 7,000 Filipino nurses ang papayagang makapagtrabaho sa ibang bansa ngayong taon.
Sinabi ni POEA Deputy Administrator Bong Plan na mas mataas na ito kumpara sa 3,500 deployment cap simula nang tumama ang pandemya ng COVID-19 sa bansa.
“Actually, from a low of 3,500 cap last year, this year we are already allowing 7,000 nurses for deployment. Basically, tumaas na po tayo ng 100%,” sabi ni Plan sa isang interview ngayong Martes.
Ayon sa opisyal, nadagdagan ang mga pinayagang Pinoy nars na makalabas ng Pilipinas dahil aniya, bumaba na rin ang kaso ng mga nahahawahan ng COVID-19, kung saan mas kailangan sila dito sa bansa.
“The reason is number 1, ‘yung demand po ng mga nurses natin dito is medyo bumaba na because medyo bumaba na po ang mga cases ng COVID-19 dito sa atin,” sabi ni Plan.
“Second, mayroon na po tayong mga licensure exams para sa mga nurses natin so nakakapagdagdag tayo ng mga lisensyadong nurses natin and other healthcare workers, so these are the factors na kinokonsider natin whenever we decide on deployment cap,” paliwanag pa ni Plan.
Nabatid na sa United Kingdom, Germany, United States, at Saudi Arabia ay nangangailangan ng mga nars.
Matatandaan na ipinahayag ng Malacañang noong nakaraang taon, na kanilang itataas ang annual cap sa 7,000 mula sa dating 6,000 para sa deployment ng mga bagong mga health workers abroad.