ni Lolet Abania | April 10, 2022
Sinimulan na ng ilang 1.7 milyong Pilipino abroad ngayong Linggo ang pagpili ng mga kandidato na ilalagay sa kanilang mga balota para sa 2022 national at local elections.
Batay sa mga Philippine posts, ang overseas absentee voting (OAV) ay tatagal mula Abril 9 hanggang May 10, kung saan gamit ang parehong automated at manual voting systems.
Ang mga absentee voters sa Dubai ay nag-umpisa na ng kanilang pagboto na ginawa sa Philippine Consulate General sa Dubai ngayong Linggo.
Ayon sa Philippine Consul General (PCG), ang United Arab Emirates (UAE) ang may pinakamalaking bilang ng mga registered voters na aabot sa 200,000.
Ang voting hours ay ginanap ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon ngayong Linggo, at alas-7:30 ng umaga hanggang alas-3:30 ng hapon mula naman sa Abril 11 hanggang Mayo 8. Samantala, ang oras ng botohan sa Mayo 9 ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Una nang pinostponed ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsisimula ng overseas voting sa Shanghai, China dahil sa COVID-19 surge sa lugar. Sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na tinatayang may 1,600 Filipino voters sa lungsod.
Ayon kay Casquejo, pinag-aaralan naman ng Comelec ang posibilidad ng pag- suspinde ng eleksyon sa pitong iba pang mga bansa at siyudad kabilang dito ang Baghdad; Iraq; Algeria; Chad; Tunisia; Libya; in Islamabad, Afghanistan at Ukraine. Mayroong kabuuang 127 registered voters sa naturang mga bansa.