ni Gina Pleñago @News | September 4, 2023
Tinulungang makauwi sa Pilipinas ang nasa 100 distressed overseas Filipino workers (OFWs).
Nagmula sa Kuwait ang mga OFW na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Biyernes ng umaga, sakay ng Gulf Air.
Ang mga OFW ay tinulungan ng mga opisyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Sa ulat ng OWWA, ang karaniwang dahilan ng mga Pilipino para sa pagpapauwi sa kanila ay ang pagmamaltrato ng kanilang mga amo, hindi wastong dokumentasyon, paglabag sa kontrata, pagkaantala ng suweldo at panghahalay na nagiging dahilan ng kanilang pagtakas sa abusadong employers.
Batay sa ilang airport authorities, may mga repatriates na tama ang dokumentasyon mula sa gobyerno ng Pilipinas kaya mas madaling nailigtas at nabigyan ng tulong.
Gayunman, may ilang OFWs na umaalis bilang turista pero nagtrabaho abroad kaya mahirap matulungan dahil ang kanilang mga travel documents ay hindi wasto at umano’y pinalulusot lamang ng mga illegal recruiter na may kasabwat na empleyado sa airport.
Ang Bureau of Immigration (BI) ay isang member-agency ng IACAT na inatasang magsagawa ng assessment sa mga papaalis na Pilipino upang matiyak ang tamang dokumentasyon.