ni Angela Fernando - Trainee @News | January 12, 2023
Mahigit sa 700 na Pinoy ang humihingi ng tulong matapos na tuluyang mawalan ng trabaho dahil sa biglaang pagsasara ng isang kumpanya sa Christchurch sa New Zealand.
Tinukoy ang kumpanya bilang ELE Group of Companies kung saan namamasukan bilang karpintero ang mga overseas Filipino worker (OFW).
Pagbabahagi ng mga OFW, walang nangyaring abiso at sa parehas na araw na dapat ay papasukan pa nila ibinalitang magsasara na ang kumpanya.
Marami sa mga OFW ang bago pa lang sa bansa ngunit hindi makalipat ng trabaho dahil may mga dokumentong dapat ayusin.
Naghihintay din ang mga manggagawa para sa kanilang 2 linggong sahod na kanilang itinrabaho dahil halos wala na rin sila umanong panggastos.
Nangako naman daw ang ELE na babayaran ang kanilang mga sahod ngunit hindi nila alam kung kailan ito ibibigay.
Ilang Pinoy naman na daw ang nabigyan ng tulong ng Philippine Embassy sa New Zealand.