top of page
Search

ni Lolet Abania | May 18, 2021




Nagbigay ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamayan na sakaling tumanggi na magpabakuna kontra-COVID-19, ayon sa kanya, dapat ay mag-“stay home” o manatili sa kanilang tahanan sa dahilang nahihirapan ang mga awtoridad na kumbinsihin ang publiko na magtiwala sa pagpapabakuna.


Sa kanyang taped speech ngayong Martes, sinabi ni Pangulong Duterte na ang nabubuong pangamba ng marami sa epekto ng vaccines ay ‘walang basehan’ dahil wala pa aniyang namatay sa COVID-19 vaccines.


"Maniwala kayo sa gobyerno, maniwala kayo sa mga tao na inilagay n'yo d'yan sa opisina nila... Maniwala kayo, Diyos ko po kasi kung hindi, hindi kayo makatulong," ani P-Duterte.


"We cannot force you. But then, sana, kung ayaw n'yong magpabakuna, huwag na kayong lumabas ng bahay para hindi kayo manghawa ng ibang tao," dagdag ng Pangulo.


Iginiit din ng Pangulo na kapag hindi pa nabakunahan, madali itong mahahawahan ng COVID-19.


"Maghawahan talaga 'yan,” ani P-Duterte.


Ayon kay P-Duterte, dapat na sundin ng publiko ang payo ng mga doktor na magpabakuna na laban sa coronavirus, lalo na ngayong dumarami ang mga new variants ng COVID-19, kaysa umabot pa sa puntong infected na ng nasabing virus at hindi na talaga makahinga.


"'Pag hindi ka na makahinga, dalhin ka sa ospital, walang makalapit sa pasyente, doktor lang, nakabalot pa to avoid being infected,” ayon sa Pangulo.


"'Pag namatay kayo, diretso kayo sa morgue. 'Di mo mahalikan, ma-realize mo ang sakit. You will not be able to kiss your loved ones goodbye)," dagdag pa niya.


Samantala, ayon sa ginawang survey ng OCTA Research Group, isa lamang sa apat na residente ng Manila ang pumapayag na magpaturok ng COVID-19 vaccines, habang sa hiwalay na survey naman ng Pulse Asia, 6 sa 10 Pilipino ay hesitant o alanganin na magpabakuna ng COVID-19 vaccines.


Subalit para magkaroon ng herd immunity, kailangan na 70 porsiyento ng populasyon ng bansa ang mabakunahan. Ito rin ang tinatawag na indirect protection mula sa nakahahawang sakit, dahil kapag ang populasyon ay na-immune sa pamamagitan ng vaccination, madali nang malalabanan ang naturang impeksiyon, ayon sa World Health Organization.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 12, 2021




Magpapatuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 dahil sa mahigpit na quarantine restrictions na ipinapatupad sa bansa, ayon kay OCTA Research Group Member Dr. Guido David ngayong Lunes, Abril 12.


Aniya, "’Yan ‘yung inaasahan natin na dire-diretsong pagbaba. By next week baka nasa downward trend na tayo, hopefully, or next next week.”


Iginiit din niyang mula sa mahigit 10,000 na nagpopositibo kada araw ay magiging 7,000 na lamang ito at bababa pa iyon nang bababa sa pagpapatuloy ng quarantine.


"Effective naman ang ECQ kasi nakita nating bumaba ang reproduction number sa NCR... ‘Di pa masasabing nagpa-flatten na ang curve kasi 1.24 pa ang reproduction number pero may ilang lungsod sa Metro Manila na pababa na, katulad ng Pasay at Marikina, bumababa na ang cases doon."


Sa ngayon ay isinasailalim na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR Plus at iba pang lugar. Ibinaba na rin sa 8 pm hanggang 5 am ang curfew hours, at maging ang mga ruta ng pampublikong transportasyon ay nadagdagan na rin.


Ayon naman kay Spokesperson Harry Roque, tinatayang 3,156 hospital beds ang inaloka ng pamahalaan sa mga ospital, kung saan 64 ICU beds ang nadagdag sa critical cases, habang 2,227 regular beds para sa moderate at severe cases, at 765 isolation beds para sa mild at asymptomatic cases.


Batay sa huling tala ng Department of Health (DOH), pinakamataas na ang 55,204 na mga gumaling sa COVID-19. Samantala, 11,681 naman ang mga nagpositibo, at 201 ang pumanaw.


Kahapon din ay dumating na ang karagdagang 500,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines mula sa China, na tanging bakunang gagamitin sa pagpapatuloy ng rollout.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 11, 2021




Hindi sapat ang 2 linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus na kinabibilangan ng Metro Manila, Laguna, Rizal, Bulacan at Cavite upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at OCTA.


Pahayag ni DILG officer-in-charge Bernardo Florece Jr., “Almost 2 weeks na tayo pero ‘di pa natin ganap na nararamdaman 'yung epekto nito, so probably another week will be enough.


"Pero at the end of the day, of course ang nagde-debate r’yan, members ng IATF at inaaral talaga kung ano ang rekomendasyon pero babase talaga sa available data sa science. 'Yun ang pinagbabasehan ng IATF.”


Noong March 29, isinailalim ng pamahalaan sa ECQ ang NCR Plus dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19 at nakatakda itong matapos ngayong araw, April 11.


Samantala, maging ang OCTA Research Group ay nais ding palawigin ng pamahalaan ang pagsasailalim sa NCR Plus sa ECQ.


Ayon sa monitoring report ng OCTA, mula sa 1.88 na reproduction number o bilang ng mga taong nahahawahan ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 bago ipatupad ang ECQ sa NCR Plus, bumaba ito ng 1.23 simula noong April 3 hanggang 9.


Saad pa ng OCTA, "The positivity rate in the NCR was 25 percent over the past week... the ECQ has been effective in reducing the growth rate and reproduction number in the NCR. There is hope that the NCR will be on a downward trend by next week.


"Extend the ECQ for another week to continue to slow down the surge, decongest our hospitals and relieve the pressure on our healthcare workers."


Panawagan din ng OCTA sa pamahalaan, isailalim sa modified ECQ ang NCR Plus kung hindi posibleng panatilihin ang ECQ.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page