ni Lolet Abania | March 20, 2022
Binigyan na ang Pilipinas ng rate na “very low risk” sa COVID-19 sa kabila na ang mga kalapit na bansa gaya ng Vietnam, Malaysia, Singapore, at Brunei ay nakararanas ng pagtaas ng impeksyon, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research ngayong Linggo.
Sa isang tweet, ipinaliwanag ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang Pilipinas ay nakapag-record ng average daily attack rate (ADAR) ng 0.47 noong Marso 18, na mayroong seven-day average na 527 cases.
Ang ADAR ay patungkol sa insidente na nagpapakita ng average na bilang ng mga bagong kaso batay sa isang period bawat 100,000 katao. Ang growth rate naman ng bansa sa mga bagong kaso mula sa naunang linggo kumpara sa kasalukuyang linggo ay nasa -22%. Nitong Martes, inianunsiyo ng Department of Health (DOH) na lahat ng lugar sa Pilipinas sa ngayon ay kinokonsidera nang low risk sa COVID-19.
Ini-report din ng OCTA na ang Timor Leste, Taiwan, Cambodia, at China ay nasa “very low risk” na rin sa viral disease na may ADAR na nagre-range mula 0.13 hanggang 0.86.
Gayunman, ang South Korea, Vietnam, Hong Kong, Malaysia, Singapore, at Brunei, silang lahat ay isinailalim sa “severe” category, kung saan ang South Korea ang nakapag-record ng may pinakamataas na ADAR sa mga bansa sa East Asia na nasa 788.15.
Ang Japan at Thailand naman ay isinailalim sa “very high” category na may ADAR ng 39.68 at 34.18, batay sa pagkakasunod.
Ini-report pa ng OCTA na ang Indonesia at Laos ay kapwa isinailalim sa “moderate” risk sa COVID-19, habang ang Myanmar ay isinailalim naman sa “low” risk na mayroong 1.08 ADAR. Samantala, nasa Alert Level 1 pa rin ang National Capital Region (NCR) at 47 ibang lugar sa bansa hanggang Marso 31.
Nakapagtala naman ang Pilipinas nitong Sabado ng 525 bagong COVID-19 infections, na umabot na sa 3,673,717 ang nationwide tally.
Sinabi rin ng DOH na wala pang nade-detect na hybrid coronavirus mutation na “Deltacron” sa bansa, habang patuloy ang kanilang pagbabantay at pagtutok sa mga surveillance systems sa gitna ng nadiskubreng bagong COVID-19 variant sa Israel.