top of page
Search

ni Lolet Abania | January 24, 2022



Nakapagtala na rin ng pagsirit ng COVID-19 cases sa mga highly urbanized cities (HUCs) sa labas ng National Capital Region (NCR) subalit hindi pa ito umabot sa peak, sa kabila na ilan sa mga nasabing lugar ay nakapag-record ng may pinakamataas na bilang ng kaso ng virus, ayon sa OCTA Research ngayong Lunes.


Batay sa datos ng Department of Health (DOH), sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na ang Bacolod, Baguio, Butuan, Davao City, General Santos, Iloilo City, at Mandaue ay nakapag-record na ng pinakamataas na bilang ng bagong COVID-19 cases nitong Enero 23.


Ang Davao City ay nakapagtala ng pinakamataas na may 1,831 bagong kaso, kasunod ang Baguio City na 902, at Cebu City na may 846.


Nakapag-record naman ang Baguio City ng pinakamataas na average daily attack rate na 161.90 bawat 100,000 populasyon, kasunod ang Iloilo City na 95.84, at Cebu na 63.64.


Ayon kay David, ang NCR ay nakapag-record ng 5,433 new cases at mayroong ADAR na 61.43.


Sinabi naman ng DOH, 13 lugar sa bansa ang nasa critical risk classification para sa COVID-19 habang apat lamang ang nasa high-risk classification sa COVID-19.


Ayon naman kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, inoobserbahan na ng ahensiya ang maraming lugar na nakapag-record ng pagtataas ng healthcare utilization gaya ng Cordillera Administrative Region (CAR) at Region VIII.


Ani pa Vergeire, ang CAR ay walang sapat na bilang ng hospital beds.


“Kaya konting pasok lang po ng mga pasyente, madali po napupuno ang kanilang mga ospital,” ani Vergeire sa isang interview.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 20, 2021



Bumabagal na ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa, ayon sa OCTA Research Group.


Ito ay kasunod ng unti-unti ring pagbuti ng sitwasyon sa Metro Manila at Calabarzon.


Nakita raw ng OCTA ang negatibong growth rate ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.


Ito ay matapos bumaba nang 2 porsiyento ang average cases sa 20,000 mula 20,700 cases sa nakaraang linggo.


Bagaman naitala noong Sabado ang 23,134 bagong kaso — pangalawang bilang ng pinakamaraming bagong kaso sa isang araw buhat nang magka-pandemya — mababa pa rin ito kumpara sa nakalipas na linggo na 26,000.


"Every day, we’re having a negative growth rate. We’re starting to see a pattern and in fact, we haven’t seen this pattern na puro negative growth rate since last April or May," ani OCTA fellow Dr. Guido David.


Kabilang daw sa mga nakaapekto sa pagbaba ng bilang ng mga kaso sa bansa ang pagbaba rin ng kaso sa National Capital Region (NCR), Calabarzon at Bulacan.


Sa NCR, naitala ng OCTA ang negative growth rate sa unang pagkakataon mula noong Hulyo kung saan bumaba ng sampung porsiyento ang bilang.


“Usually, ‘yong nationwide, sumusunod siya sa NCR and Calabarzon kasi malaki ‘yong bilang ng NCR, Calabarzon. Usually mga nasa 60 percent ng cases nandito," ani David.


"Puwede pang magbago ‘yong trend pero sa ngayon, hindi na natin nakikita ‘yong 30,000 cases [per day] na nasabi natin noon," dagdag niya.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 8, 2021



Nalagpasan ng Davao City ang Quezon City sa pagkakaroon ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa isang araw.


Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research ngayong Martes, hindi pa nila matukoy ang dahilan ng biglaang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Mindanao.


Aniya, “Today, nalagpasan na ng Davao City 'yung Quezon City sa seven-day average. ‘Yung average ng Davao City, 213 cases per day. Sa Quezon City, 207.


“So Davao City na ‘yung pinakamaraming average number of cases per day.”


Kabilang umano sa mga lugar sa Mindanao na ikinababahala ng OCTA Research dahil sa pagkakaroon ng mataas na kaso ng COVID-19 ay ang Cagayan de Oro, General Santos, Koronadal, Cotabato at Davao.


Nakapagtala umano ng 54% na pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang Davao City noong nakaraang linggo, ayon pa sa OCTA.


Samantala, isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Davao City simula noong June 5 hanggang June 20.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page