top of page
Search

ni Thea Janica Teh | January 13, 2021





Inirekomenda ng OCTA Research Group ngayong Miyerkules sa pamahalaan na palawigin pa ang 2 linggong travel restriction sa mga bansang nakapagtala ng bagong variant ng COVID-19.


Nitong Martes, nadagdag sa listahan ang bansang China, Pakistan, Jamaica, Luxembourg at Oman na epektibo lamang hanggang Biyernes. Ayon kay Guido David, miyembro ng OCTA Research Group, kinakailangang ipatupad ang mas pinahigpit na border control, monitoring at quarantine ng mga biyahero.


Aniya, "Nire-recommend talaga nating i-extend 'yan...Posibleng nakapasok na rito. Kung nakapasok na, posibleng hindi ganu'n karami 'yung cases natin ng bagong variant dahil baka nakontrol naman natin 'yung pagpasok."


Dagdag pa nito, kung hindi na palalawigin ang travel restriction ay malaki ang posibilidad na makapasok na sa bansa ang bagong variant ng virus at maaari pang lumaki ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Nauna nang ibinahagi ng Department of Health na wala pang naitatalang kaso ng bagong variant ng virus sa Pilipinas. Sinabi rin ni David na mababa pa ang kasong naitatala ngayon dahil halos 40% ng laboratories sa bansa ang nagsara nitong Christmas season.


"Slowly nakukuha na natin ang mga nag-positive during the holidays pero 'di pa siguro lahat-lahat. Ang nakikita nating average number niyan, almost 2,000 cases per day na naitatala natin," ani David. Inaasahan din na ang epekto ng pagdikit-dikit ng mga debotong dumalo sa Kapistahan ng Poong Nazareno ay maitatala sa susunod na linggo.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 15, 2020




Handa na ang mga pribadong ospital sa posibilidad na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa darating na holiday, ayon sa mga opisyal nito ngayong Martes.


Ayon sa OCTA Research Group, maaaring matapos ang taong 2020 sa 480,000 kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Kaya naman, pinaalalahanan nito ang publiko na panatilihin ang pagsunod sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, social distancing at pag-iwas sa mass gathering.


Ibinahagi ng Members of the Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. na bumaba ang bilang ng naa-admit sa ospital dahil sa COVID-19 nitong nakaraang linggo, ngunit naghahanda na rin umano ang mga ito sa posibilidad na muling paglobo ng kaso ng tatamaan ng virus.


Sa katunayan, ayon kay Members of the Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. President Jose Rene de Grano, nagbigay ito ng mandato na nakalaan ang 20% ng allocation ng beds para lamang sa mga pasyenteng may COVID-19.


Dagdag pa nito, nakahiwalay ang COVID areas sa non-COVID areas. Aniya, mas safe pa umano ang ospital kaysa sa mga pasyalan tulad ng mga malls dahil istriktong sinusunod ng mga staff ang health protocols.


Samantala, pinaalalahanan naman ng vice-president ng Philippine College of Physicians na si Dr. Maricar Limpin ang publiko na huwag nang magdiwang ng holiday sa labas ng bahay upang maiwasang mahawa ng virus.


Aniya, "Gusto sana naming paalalahanan ang lahat na kaya nating mag-celebrate at gawing masaya ang Kapaskuhang ito but at the same time, panatilihin nating ligtas ang bawat isa."

 
 
RECOMMENDED
bottom of page