top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 18, 2021



Iminungkahi ng OCTA Research Group na muling ipatupad ang NCR Plus bubble sa Metro Manila at mga karatig na probinsiya dahil sa COVID-19 Delta variant.


Una nang nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagtaas ng local cases ng COVID-19 variant na unang naitala sa India. Saad ni OCTA Research Fellow Guido David, "'Yung idea naman ng bubble, I think nag-work naman siya a few months ago nu’ng nagka-surge tayo.


Kabaligtaran lang ang mangyayari ngayon. Ang bubble natin is designed to protect NCR Plus from the outside para 'di makapasok dito basta-basta ang mga variant na ‘yan.


"'Pag may bubble tayo at protected tayo rito sa loob ng NCR Plus, ‘di tayo maa-affect from outside at patuloy ang ekonomiya natin." Ayon kay David, sa ilalim din ng bubble, pagbabawalang muli ang mga kabataan na lumabas ng bahay. Aniya, "Sa UK, very concerned ang scientists d’yan.


Kung hahayaang mahawahan ang mga bata, maybe 10 percent magkaka-long COVID.” Nabahala rin ang OCTA Research sa mga lugar na nakapagtala ng biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 o surge katulad ng Mariveles sa Bataan at Laoag City sa Ilocos Norte.


Saad pa ni David, "We have to be proactive. Hindi natin puwedeng hintayin na may makita tayong nagse-surge na bago tayo mag-react at mag-respond dito sa threat ng Delta variant."


 
 

ni Lolet Abania | May 19, 2021




Nakapag-monitor ang OCTA Research Group ng ‘kakaibang’ pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang urban centers o sa labas ng Metro Manila nito lamang nakaraang linggo, ayon sa inilabas na report ng mga eksperto.


“Significant increases in new cases were observed in Cagayan de Oro, Davao City and Iloilo City,” pahayag ng mga researchers ngayong Miyerkules.


Ayon sa OCTA Research, ang Iloilo ay may 58 bagong kaso na tumaas ng 99% mula noong nakaraang linggo, habang sa Cagayan de Oro at Davao ay nakapagtala ng lingguhang pagtaas na 52% at 36% batay sa pagkakasunod nito.


Naitala naman ang Zamboanga City na may pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa loob ng nakaraang linggo na 158 cases, subalit ito ay umakyat lamang ng 4%.


Samantala, mula noong May 11 hanggang 17, ang average daily attack rate (ADAR) sa Metro Manila ay 9.91 per 100,000 katao, habang sa Puerto Princesa City ay may weekly positivity rate na 87% nitong lamang May 16. “Most LGUs (local government units) within the NCR bubble (National Capital Region, Bulacan, Rizal, Laguna, and Cavite) are on a downward trend in new cases,” sabi ng OCTA Research.


Ang reproduction number o ang bilang ng mga tao na kayang ma-infect ng virus sa buong bansa sa loob ng nakaraang linggo ay umabot sa 0.80, habang sa NCR naman, ang reproduction number nito ay 0.54.


Gayunman, ang kasalukuyang seven-day average ng bagong kaso sa bansa ay 5,834, kung saan 11% na mas mababa kumpara noong nakaraang linggo.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 29, 2021




Maglalabas ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng bagong listahan ng mga establisimyento na maaari nang magbukas sa ilalim ng extended modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Aniya, "Magkakaroon ng listahan ng mga industriya at negosyo na puwedeng pabuksan bagama't MECQ pa rin. Naiintindihan namin na kailangang bumalik na ang mga manggagawa sa kanilang hanapbuhay… We are looking at a gradual reopening."


Hindi naman binanggit kung kailan ilalabas ang listahan ng mga establisimyentong bubuksan.


Samantala, nananawagan naman sa pamahalaan ang ilang manggagawa na huwag na sanang bumaba sa P100 ang hinihiling nilang dagdag-sahod.


Paliwanag pa ni Defend Jobs Philippines Spokesman Christian Lloyd Magsoy, ayos lamang kung bumaba iyon sa P70, subalit ‘wag sanang mas mababa pa du’n, kung saan halos barya na lang.


Aniya, "Tingin ko, puwede na sa amin kahit mga P70, pero ‘wag na sanang bababa pa. Compromised na nga ‘yun. 'Wag naman sanang gawing barya ang ibigay na dagdag-sahod."


Sa ngayon ay pumapatak sa P537 ang kinikita ng isang minimum wage earner kada araw at hindi na iyon sumasapat lalo’t sumabay pa ang pandemya.


Matatandaang maraming manggagawa at maliliit na negosyante ang nawalan ng hanapbuhay mula nang lumaganap ang COVID-19 sa bansa, kaya sinisikap ng pamahalaan na balansehin ang ekonomiya at ang mga ipinatutupad na guidelines sa ilalim ng mahigpit na quarantine restrictions.


Nilinaw naman ng OCTA Research Group na maaari lamang makabalik sa maluwag na quarantine classifications o general community quarantine (GCQ) ang NCR Plus, sakaling bumaba na sa 2,000 ang mga nagpopositibo sa COVID-19 kada araw.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page