top of page
Search

ni Lolet Abania | July 1, 2022



Patuloy ang pagtaas ng COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) at siyam na iba pang lugar, kabilang na ang Cavite na nakapag-register ng pinakamataas, ayon sa independent monitoring group OCTA Research ngayong Biyernes.


Sa isang tweet, sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na ang positivity rate ng Cavite ay umakyat ng 13.2% nitong Hunyo 29 mula sa 5.9% noong Hunyo 25. Habang ang positivity rate ng NCR ay tumaas ng 7.5% mula sa dating 6.0%.


Subalit, ang benchmark positive rate ng World Health Organization (WHO) ay nasa 5% lang. Ang positivity rate ay ang percentage ng mga tao na nagpopositibo sa COVID-19 na nakasama sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na na-test.


Sa parehong data ng OCTA, makikitang tumaas din ang kani-kanilang positivity rate ng Laguna, Batangas, Benguet, Bulacan, Cebu, Davao del Sur, Iloilo, at Pampanga. Gayunman, ang positivity rate ng Rizal ay bumaba naman mula 11.9% ay naging 9.7%.


 
 

ni Lolet Abania | March 20, 2022



Binigyan na ang Pilipinas ng rate na “very low risk” sa COVID-19 sa kabila na ang mga kalapit na bansa gaya ng Vietnam, Malaysia, Singapore, at Brunei ay nakararanas ng pagtaas ng impeksyon, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research ngayong Linggo.


Sa isang tweet, ipinaliwanag ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang Pilipinas ay nakapag-record ng average daily attack rate (ADAR) ng 0.47 noong Marso 18, na mayroong seven-day average na 527 cases.


Ang ADAR ay patungkol sa insidente na nagpapakita ng average na bilang ng mga bagong kaso batay sa isang period bawat 100,000 katao. Ang growth rate naman ng bansa sa mga bagong kaso mula sa naunang linggo kumpara sa kasalukuyang linggo ay nasa -22%. Nitong Martes, inianunsiyo ng Department of Health (DOH) na lahat ng lugar sa Pilipinas sa ngayon ay kinokonsidera nang low risk sa COVID-19.


Ini-report din ng OCTA na ang Timor Leste, Taiwan, Cambodia, at China ay nasa “very low risk” na rin sa viral disease na may ADAR na nagre-range mula 0.13 hanggang 0.86.


Gayunman, ang South Korea, Vietnam, Hong Kong, Malaysia, Singapore, at Brunei, silang lahat ay isinailalim sa “severe” category, kung saan ang South Korea ang nakapag-record ng may pinakamataas na ADAR sa mga bansa sa East Asia na nasa 788.15.


Ang Japan at Thailand naman ay isinailalim sa “very high” category na may ADAR ng 39.68 at 34.18, batay sa pagkakasunod.


Ini-report pa ng OCTA na ang Indonesia at Laos ay kapwa isinailalim sa “moderate” risk sa COVID-19, habang ang Myanmar ay isinailalim naman sa “low” risk na mayroong 1.08 ADAR. Samantala, nasa Alert Level 1 pa rin ang National Capital Region (NCR) at 47 ibang lugar sa bansa hanggang Marso 31.


Nakapagtala naman ang Pilipinas nitong Sabado ng 525 bagong COVID-19 infections, na umabot na sa 3,673,717 ang nationwide tally.


Sinabi rin ng DOH na wala pang nade-detect na hybrid coronavirus mutation na “Deltacron” sa bansa, habang patuloy ang kanilang pagbabantay at pagtutok sa mga surveillance systems sa gitna ng nadiskubreng bagong COVID-19 variant sa Israel.


 
 

ni Lolet Abania | December 3, 2021



Maaari nang iklasipika ang National Capital Region (NCR) na nasa “very low risk” sa COVID-19, ayon sa independent group na OCTA Research.


Sa isang table na nai-post sa Twitter ni OCTA fellow Dr. Guido David, nagpapakita ito ng improvement sa bilang na naitala noong Nobyembre 26 hanggang Disyembre 2 ngayong taon, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.


“Based on our metrics, the NCR is now classified as VERY LOW RISK. The figure compares the numbers this week vs the same week last year,” pahayag ni David ngayong Biyernes.

Ayon sa OCTA, ang average ng bagong kaso ng COVID-19 kada araw ay umabot sa 138 lamang mula Nob. 26-Dis. 2, 2021, kumpara sa 416 sa pareho ring panahon noong nakaraang taon.


Mas mababa naman ang reproduction number na 0.36 ngayong taon, mula sa 0.94 noong 2020.


Ang reproduction rate ay bilang ng mga taong infected ng isang kaso, habang ang reproduction number naman na below 1 ay nagpapahiwatig na bumabagal na ang transmission ng virus.


Paliwanag pa ng OCTA, “The daily attack rate per 100,000 fell to 0.97 this year from 2.94 last year. The same goes with positive rate -- down to 1.2% in 2021 from 3.9% in 2020.”


Gayundin, nagpakita ng pagbaba sa mga okupado ng hospital beds mula sa 1,791 nitong 2021 ay bumaba ito kumpara sa 2,305 noong 2020; ang hospital bed occupancy na may 21% ng 2021 na mababa na mula sa 38% noong 2020; at ang ICU bed occupancy na 27% ng 2021 ay bumaba na mula sa 47% noong 2020.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page