ni Mary Gutierrez Almirañez | May 12, 2021
Niyanig ng magnitude 5.8 na lindol ang Abra De Ilog, Occidental Mindoro, batay sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong araw, May 12.
Ayon sa ulat, pasado 9:09 ng umaga nang maramdaman ang pagyanig sa episentro ng Abra De Ilog, bandang 13.55°N, 120.73°E - 011 km N 01° E.
Paliwanag pa ni PHIVOLCS Director Renato Solidum, naramdaman din ang lakas ng lindol sa ilang bahagi ng Metro Manila, Rizal at Cavite.
Aniya, “Dahil malalim ang lindol, marami ang makararamdam nito pero hindi naman damaging… Kung sakali, ‘yung magnitude 5.8 ay mababaw, like less than 10 kilometers, posible na po tayong makakita ng damage kasi ‘yung enerhiya ng lindol, hindi nabawasan masyado."
Sa ngayon ay wala namang iniulat na nasugatang sibilyan at napinsalang establisimyento.
Nananatili ring nakaantabay ang mga awtoridad sa posibleng aftershocks.