ni Jasmin Joy Evangelista | September 26, 2021
Lumubog ang isang bangka na may sakay na mga hayop sa karagatang sakop ng Occidental Mindoro.
Ayon kay PO2 Jeffrey Pagayonan, Philippine Coast Guard assistant station commander sa bayan ng Sablayan, sakay umano ng MB Ken Stephany ang pitong kalabaw at apat na baka.
Galing daw sa Coron, Palawan ang bangka at patungo sana sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro, pero pagdating sa bayan ng Narra, Palawan ay nabutas ang unahang bahagi ng bangka dahil sa malalakas na hampas ng alon kaya unti-unting lumubog.
May maliit na bangkang napadaan at nakapagsakay ng isang crew na nakahingi ng tulong sa bayan ng Calintaan, Occidental Mindoro.
Nasagip naman ng isa pang bangka ang lima pang crew na ngayon ay nasa quarantine facility na sa bayan ng Rizal, Occidental Mindoro.
Nitong madaling araw ng Sabado, nahatak na ng PCG ang bangka patungo sa Sablayan pero hindi na nailigtas ang mga kalabaw at baka.