ni Nympha Miano-Ang - @Sports | May 05, 2021
Noon, isang istrikto at madisiplinang ama ang Tatang Francisco ni Asia's Fastest Woman na si Lydia De Vega. Iyan ang tumatak sa lahat ng humanga at sumunod sa yapak ng batang si 'Diay' na hinubog nang husto sa mala-kidlat na pagtakbo nang unang masungkit ng 14-anyos na dalagitang Bulakenya ang silver medal sa 200m Track & Field meets sa bilis na 27.5 segundo sa Philippine National Junior Championship noong 1978. Nasundan agad ng back-to-back gold medal noong 1981 SEA Games sa 200 at 400 meter run na bumura sa Asian Games record.
Pagdako ng 1982 ay naka-gold sa 100-m dash sa Asiad sa India. Naduplika rin niya ang 11.53 segundong oras noong 1986 Seoul Asian Games at doon na siya itinanghal na 'Asia's Sprint Queen.' Dagdag pa ang mga prestihiyosong pagtuntong ni 'Diay' sa torneo ang pagkasungkit ng gold sa 100 meters sa SEAG (1987, 1991 at 1993). Nagreyna rin sa 200 meter event noong 1981, 1983, 1987 at 1993. Dalawang beses din siyang naka-gold sa 100 at 200 meter dash sa Asian Athletics Championships - 1983 at 1987. Hawak niya noon ang natatanging Philippine at Southeast Asian records sa personal best na 11.28 segundo.
Two-time Olympian din si 'Diay noong 1984 at 1988. Bumanat pa ng silver sa 200-m noong 1986 Seoul Asiad at sumubok pa sa long jump na replacement lang siya sa kaibigan niya, pero na-break pa niya ang record nito.
Pagsapit ng 1989 hanggang 1991, nagpahinga muna si Diay sa athletics, nagtapos ng pag-aaral dahil mahigpit ang bilin ng Tatang niya sa kanya na, "Pag-aaral muna, ikalawa ang Sports at ikatlo lang ang pag-aartista!" Dahil may mga alok na sa kanya sa paggawa ng patalastas sa TV at pelikula. Matapos makakuha ng college degree ay nagpakasal siya. Pero sumubok muli noong 1991 sa Asian Athletics at nag-7th place.
Ganap nang nagretiro ang sprinter mula sa track and field event matapos magwagi sa 100m event noong 1994-Manila-Fujian Games.
Sa hindi mabilang na talaan ng tagumpay ng legendary track queen, hindi siya binibitiwan ng kanyang coach Tatang sa paggabay sa kanya.
Ang matapang na salita ng Tatang niya ang gumuguhit sa kanyang isip at puso habang ineensayo siya ang hindi niya malimut-limutan sa tuwing marami nang sakit sa katawan ang dinaranas niya kahit gusto na niyang sumuko sa training.
Hanggang noong PANAHON ng 1993 ay itinampok siya sa isang patalastas ng MILO na may slogan na Get Your Child into Sports sa telebisyon kung saan ang inspirasyon pa rin niya na ikinuwento sa commercial ay ang mga pangaral ng kanyang ama tulad ng, "Alam n'yo maliit pa lang ako nang iminulat na ako ng Tatang ko sa Sports. Ang turo po niyang lagi sa akin ang maagang naghanda, malayo ang nararating. Iyon ang naging inspirasyon ko sa track at maging sa buhay napatunayan ko po ang batang maagang nagsimula sa sports, matibay ang dibdib, may inspirasyon ang takbo ng buhay!"
Dahil sa paglago ng sports sa bansa, muling nasundan ang patalastas niya noong 2004, kasama na ang mga sports heroes na sina gymnast Bea Lucero, basketball star Mon Fernandez, tanker Christine Jacob at taekwondo star Monsour del Rosario.
Nang yumao ang kanyang ama sa edad 84, pakiramdam ni Diay, tuloy ang legacy nito at namana pa niya ang pagiging mentor nito dahil mula 2005 ay nagsilbi na siyang coach sa track and field sa Singapore. "Kahit lugaw lang kinakain ko bago ang kompetisyon noon dahil nagbitiw na sa trabaho ang Tatang ko at ako na lang ang tinututukan niyang i-train,naintindihan ko iyon. Wala kasi akong ibang hinahanap pagdating sa finish line, kundi ang aking Tatang."
Mula noon hanggang ngayon, anuman ang panahon, tuloy ang pagiging champion sa puso at isipan ni Diay ang kanyang Tatang na unang nagpatibay ng kanyang paniniwala na may gintong nakaabang sa finish line.