ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | July 12, 2021
Ang berbal na komprontasyon ay hindi madali, pero hindi sinasadyang biglang uusbong uli ang hindi naresolbang damdamin at iyon pa rin ang gumugulo sa iyong isip buhat nang huli kayong magkita ng naturang tao. Kung halos isang taon na kayong ‘di nagkikita at may nakatanim ka pa ring sama ng loob sa kanya, hindi kailangang husgahan siya at maging mabigat ang argumento. Maging sibil at kampante sa pakikiharap kung gustong maging malinaw ang lahat.
1. Tanungin ang sarili kung ang argumento ay sapat para maging paksa pa. Pero kung mahalaga pa rin sa iyo ang argumento kahit isang taon na ang nakalipas, tanungin muna ang sarili kung kailangang mag-usap at gusto mong matapos na sa balak mong mapag-usapan. Maaaring ang paliwanag niya ang gusto mong marinig o simpleng tawad ang hingi mo sa kanya. Ang makuha mo lang ang magandang resulta sa argumento ang tutulong para maging maayos na ang lahat. Tanungin din ang sarili kung ang tao na haharapin ay mahalaga pero kung hindi na ay huwag nang aksayahin pa ang oras.
2. Gumawa ng strategy sa komprontasyon at maging maingat. Isipin ang gustong sabihin sa tao kung paano paplanuhin na mabanggit sa kanya ang paksa. Imadyinin ang magiging tugon niya at kung ano ang kahihinatnan ng argumento. Lumikha ng strategy para maging kampante at maayos sakaling mag-init ang sitwasyon at nang matulungan ang sarili na maiwasang makapagsalita ng kung ano na pagsisisihan mo sa dakong huli.
3. Kontakin o makipagkita sa kanya at hayaang ipasabi sa kanya na gusto mo siyang makausap. Magparamdam sa kanya at gusto mo kamo siyang makausap at i-set ang lugar kung saan kayo magkikita. Pumili ng lugar na ligtas, tahimik at makapag-usap ng ilang oras kung kailangan. Iwasang makipag-kompronta sa pampublikong lugar kahit anong mangyari.
4. Ipanatag muna ang loob at simula nang dahan-dahan sa konting kuwento. Maging sibil at kumustahin muna siya sa nagdaang ilang buwan na 'di ninyo pagkikita at ano ang ginagawa niya, kumustahin ang pamilya niya, kumustahin siya sa bago niyang trabaho. Ang matanong muna siya sa mga bagay-bagay na tungkol sa buhay niya ang papanatag sa susunod na usapan at maiwasan ang pag-iinit ng ulo at tumaas ang tensiyon.
5. Maging bukas at tapat hinggil sa isyu sa pagkompronta sa tao. Iwasang magpaliguy-ligoy at diretsahin na sa nararamdaman. Manatili sa iniisip, damdamin para marinig niya ang iyong punto. Sabihin sa tao ang inaasahan mong kalalabasan ng usapan kung paano mo inaasahan ang bagay na maging iba sa hinaharap, halimbawa: “Okey lang na sa akin mo direktang sasabihin kaysa naman marinig ko pa sa iba ang mga sinasabi mo tungkol sa akin.”
6. Makinig sa iba pang kuwento ng tao hinggil sa buhay niya. Tulad mo, siya rin ay may iba ring iniisip at damdamin hinggil sa bagay na maaring pareho o iba sa iyo. Kung pakikinggan ka niya, parehas ang damdamin ninyo dahil nakinig ka sa sinabi niya. Kapag nagawa mo ito at malaman kung ano ang gustong matupad ng isang tao ang makatutulong sa inyong dalawa na magkasundo na.