ni Thea Janica Teh | September 2, 2020
Agaw-eksena ngayong Miyerkules ang isang billboard malapit sa isang mall sa Pasig City dahil mas kapansin-pansin ang mukha ni National Youth Commission (NYC) Chairperson Ryan Enriquez kaysa sa tunay nitong ipinararating na mensahe.
Ayon kay Enriquez, objective umano nito na makatulong para sa pagpapakalat ng impormasyon lalo na ngayon na nabawasan na ang major network na nagbabalita sa bansa.
Matagal na rin daw itong gumagawa ng public service ads nang libre para sa mga mahahalagang anunsiyo. Ngunit, inamin din nito na ang pagkakamali niya ay ang laki ng mukha niya rito.
Hindi nagustuhan ng publiko ang billboard kaya inulan ng batikos sa social media. Nagsalita rin si Akbayan Youth Chairperson RJ Naguit at sinabing hindi umano umaaksiyon si Enriquez para matulungan ang mga kabataan ngayong pandemya at nakuha pang magpaskil ng mukha sa billboard.
Dagdag pa ni Naguit, bigong nagagampanan ng NYC ang kailangan ng mga kabataan at kung patuloy niya itong gagawin ay mabuti pang mag-resign na lang umano siya sa puwesto.
Sa ngayon ay ipinatanggal na ni Enriquez ang billboard dahil sa mga natatanggap na batikos.