top of page
Search

ni Madel Moratillo | June 25, 2023




Marami pang opsyon para masolusyunan ang problema sa kakulangan ng mga nurse sa bansa.


Ito ang tiniyak ni Health Secretary Ted Herbosa sa kabila ng mga legal limitations sa kanyang planong pagkuha ng mga nurse na hindi pa lisensyado.


Giit ni Herbosa, nakausap na niya ang mga opisyal ng Professional Regulation Commission (PRC) at maging mga taga-Board of Nursing at tiniyak nila na handa silang tulungan ang DOH sa paghahanap ng solusyon.


Kasama sa pinag-aaralan ng DOH ang pagkuha ng mga hindi pa lisensyadong nurse at gawin silang nursing assistant.


Ayon kay Herbosa, nasa 4,500 ang bakanteng plantilla position ng mga nurse sa mga pampublikong ospital.




 
 

ni BRT | June 24, 2023




Naglabas na ng pahayag ang Professional Regulation Commission (PRC) kaugnay sa plano ng Department of Health (DOH) na mabigyan ng temporary license ang mga bumagsak na nursing graduates sa board exam.


Ayon sa komisyon, wala pang probisyon sa ngayon sa ilalim ng Philippine Nursing Act 2002 o ang Republic Act No. 9173 na legal na nagpapahintulot sa PRC para mag-isyu ng temporary license para sa mga nursing graduates na hindi pumasa sa Nursing Licensure Examination.


Binigyang-diin ni PRC Commissioner Jose Cueto, Jr. na kailangang maamyendahan muna ang batas bago maisulong ang plano ng DOH na mag-hire ng hindi pa lisensyadong nursing graduates sa mga ospital ng gobyerno.


Kapag hindi aniya narerepaso ang naturang batas mananatiling nasa 75% ang ikinukonsiderang passing rate sa board exam para sa mga nursing graduates.


 
 

ni Madel Moratillo | June 20, 2023




Posibleng makapagtrabaho sa mga government hospital ang mga nursing graduate na hindi nakapasa sa licensure examination.


Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, pinag-aaralan niya ang posibilidad na bigyan ng temporary license ang mga graduate ng nursing pero hindi umabot sa 75% passing score.


Ito 'yung mga nasa 70% hanggang 74% ang nakuhang grado.


Ang pahayag ng kalihim ay bilang paglilinaw sa nauna niyang anunsyo na plano nilang kumuha ng nursing graduate kahit hindi pa pasado sa board exam.


Giit niya, board eligible lamang ang kanilang kukuhanin para magtrabaho sa ospital ng gobyerno.


Sang-ayon din naman aniya rito ang Department of Labor and Employment, kaya makikipag-ugnayan sila sa Professional Regulation Commission para sa temporary licenses. Kapag nakapasa na aniya sa board exam, saka papipirmahin ang mga ito ng four-year return service agreement.


Ayon kay Herbosa, nasa 4,500 ang bakanteng plantilla positions sa government hospitals sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page