ni Mary Gutierrez Almirañez | March 11, 2021
Kinalampag na ng mga abogado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang gate ng Antipolo Memorial Homes ngayong umaga, Marso 11, dahil hindi pa rin nito pinapayagang ilabas ang mga bangkay ng apat na aktibistang namatay sa isinagawang raid sa Calabarzon nitong Linggo.
Ayon pa kay NUPL Attorney Kathy Panguban, pinapatagal lamang ng mga awtoridad ang pagsasagawa nila sa independent forensic investigation para mapagtakpan ang mga ebidensiya hinggil sa panlalaban ng mga namatay.
Kaugnay nito, mariin namang pinabulaanan ng mga magulang ng mag-asawang Ariel at Ana Mariz Evangelista ang pagiging komunista ng dalawa at ang paratang na nanlaban umano ang mga ito.
Sagot ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Ildebrandi Usana, "Kung meron naman din po silang mga ebidensiya, we are more than willing to accommodate them, they can file actions against our police officers."
Dagdag pa niya, “Sila po ay nagkaroon ng operasyon on the basis of a judicial order. Ito po yung search warrant na in-issue ng mga judge from Batangas, Cavite, Laguna, Rizal at NCR. Hindi ito isang bagay na kukunin mo lang over the counter. Mahigpit po ang mga court pagdating po sa pag-issue ng search warrant.”
Iginiit din niya ang nangyari sa Negros Oriental noong July 2019, kung saan apat na pulis ang pinatay ng New People’s Army (NPA). Aniya, wala silang narinig na pagkondena mula sa grupo o kahit kanino. Samantala, ang ginawa namang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Calabarzon nitong Linggo ay base lamang sa ibinigay na judicial order mula sa search warrant, gayunpaman ay marami pa rin ang nagkokondena.
Nilinaw naman ng Malacañang na magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Justice hinggil sa pagkamatay ng 9 na aktibista.