top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 16, 2024



Dear Maestro, 


Magandang araw sa inyong lahat r’yan sa Bulgar!


Kasalukuyan akong nagtatrabaho sa isang mall. Kailan kaya ako magkakaroon ng isang maganda at regular na career?


Pagdating naman sa pag-ibig, compatible ba kami ng kasalukuyan kong nobyo at kami na rin ba ang magkakatuluyan? Bago pa lang kami at dati rin kaming magkaibigan. 


Sana ay mabigyang pansin ninyo ang katanungan kong ito at sana magabayan n’yo rin ako para umunlad at lumigaya naman ang buhay ko.


Ang birthday ng boyfriend ko ay March 25, 1995, habang November 21, 1993 naman ang birthday ko.

Umaasa,

Mara ng Bangkal, Norzagaray, Bulacan

 

Dear Mara,


Kung ikalawa o ikatlong nobyo mo siya, tunay nga na compatible talaga kayo. Malaki rin ang tsansa na kayo na rin  magkatuluyan at magsama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


Samantala, ang birth date mong 21 o 3 (ang 21 ay 2+1=3), sa destiny number na 9 (11+21+1993=2025/ 20+25=45/ 4+5=9), sa zodiac sign na pumapagitna sa Scorpio at Sagittarius, may kalituhan munang mangyayari sa career mo, tulad na lang din ng iyong zodiac sign na hindi mo malaman kung Scorpio o Sagittarius, na tinatawag nating “cusp”. 


Ang “cusp” ay tulad din ng papaalis at paparating na planeta sa isang zodiac sign, alanganin kumbaga ang kanyang puwesto.

Tulad ng birth date mong November 21, medyo hindi pa ganap na Sagittarius ang nasabing petsa at ang petsa ring ‘yan ay halos papatapos na ang Scorpio, at dahil medyo nakakalito nga, ganundin ang mararanasan mo sa iyong career, tulad nang nasabi na, medyo malilito ka muna.


Subalit, dahil 21 o 3 (2+1=3) ang birth date mo na may ruling planet na Jupiter. Kung saan, si Jupiter ang pinakamapalad na planeta sa lahat ng planeta. Ibig sabihin, darating din ang panahon na makakatanggap ka ng maraming magandang kapalaran, lalo na pagdating sa career at propesyon.  


Basta ang mahalaga, mapanalo mo sa pang-araw-araw mong karanasan ang impluwensiya ng planetang Jupiter.


Una, dapat palagi kang magsuot ng kulay asul, violet, lilac, maroon at red, higit lalo tuwing sasapit ang petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18, at 27, lalo na kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


Pangalawa, mag-ambisyon ka ng mataas. Halimbawa, saleslady ka ngayon, ambisyunin mong maging supervisor, kapag naging supervisor ka na, ‘wag kang tumigil mangarap na maging isang manager at kapag naging manager ka na, ‘wag ka pa ring titigil at ambisyunin mo namang ikaw ang magmay-ari ng mall na pinagtatrabahuhan mo ngayon.


Kapag ikaw na ang may-ari ng mall, hindi ka pa rin dapat tumigil mangarap, kaya ambisyunin mo naman ang marami pang mall at kapag naparami mo na ang iyong mall, ‘wag ka pa ring titigil mangarap. 


Sa lahat ng pangarap at anumang gusto mong gawin sa buhay mo, tandaan mong ganyan dapat ang maging konsepto ng iyong isipan, dahil ito ang kahulugan ng planetang Jupiter na nag-iimpluwensiya sa iyong kapalaran at pagkatao. 


Matataas na mga pangarap at ambisyon sa buhay, sa bandang huli ay talaga namang mangyayari at kusang matutupad sa kapalaran mo. 


Pangatlo, dapat mo ring malaman na ang iyong mapalad na panahon ay mula sa ika-18 ng Oktubre hanggang sa ika-27 ng Disyembre, mula sa ika-18 ng Marso hanggang ika-27 ng Abril at mula sa ika-18 ng Hulyo hanggang sa ika-27 ng Agosto. Ang batong turquoise na singsing naman ang magsisilbi mong talisman, taga-higop ng suwerte at pantaboy ng negatibong kapalaran, ganundin ang lahat ng uri ng bato o hiyas na may kulay violet ang isa ring puwedeng isaalang-alang.


Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon nabanggit, tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2025, anuman ang maluho at mataas mong ambisyon sa buhay, sa edad mong 27 pataas, kusa at isa-isa mo na rin itong matutupad.

]

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 13, 2024



Dear Maestro,


May nabili kaming bagong bahay. Pina-renovate agad namin ito at malapit na rin itong matapos, pintura at kaunting dekorasyon na lang ang kulang. 


Maestro, ano bang magandang kulay ang bagay sa bahay namin at ano’ng pandispley ang dapat naming ilagay? 


Meron din itong bakanteng lote, pero hindi pa namin alam kung ano ang ilalagay namin du’n. 


Once na matapos na ito, balak na sana naming lumipat ngayong Nobyembre. Favorable ba sa amin ang buwan na ito? Kung sakaling hindi, ano’ng petsa at buwan dapat kami lumipat? 

Ang birthday ko ay April 20, 1974, habang September 16, 1969 naman ang mister ko.


Umaasa,

Liezel ng San Roque, Antipolo City, Rizal 


 

Dear Liezel,


Ayon sa Chinese Astrology at sa taon ng iyong kapanganakan, nasasakupan ka ng elementong wood o kahoy, habang ang taong 1969 naman ng iyong mister ay under ng elementong earth.


Kung saan, ang prinsipyo sa Chinese or Oriental Astrology ay kailangan palaging nakabalanse.


Kaya ang pangkaraniwang tinatanong ay, “Ano’ng elemento pa ba ang kulang sa iyo?”


Kapag nalaman mo na ang elementong kulang sa iyong buhay, ‘yun ang idagdag mo para magkaroon ka ng harmony. Kapag meron nito ang isang tao, tiyak na liligaya at uunlad ang kanilang tahanan.  


Sa kaso n’yo, dahil ikaw ay isang “wood-tiger,” habang ang mister mo naman ay “earth-rooster” ang kailangan n’yong elemento para makumpleto ang inyong pagsasama ay ang “water, fire o kaya’y metal”.


Kaya ang pupuwede n’yong ipandispley sa harapan ng inyong bakuran na laging natatanaw tuwing dadaan kayo ay ang mga bagay na metal. Kaya naman, maghanap ka ng dalawang metal na nakatayo o pigura ng mag-asawa na magkayakap at waring naghahalikan. 


Sa ganyang paraan, unconsciously sa tuwing matatanaw n’yo ang nasabing pigura, lalong titibay ang inyong pagmamahalan.


Kung fire naman ang elementong maisip n’yo, puwede naman kayo mag-display ng isang pigura na nakatayong nilalang na walang damit at may pakpak sa paa, ‘yun bang pigura ni Mercury na may hawak na sulo. ‘Yung tipong Olympic torch na sinisindihan tuwing may Olympic games. Ang kaibahan nga lang ng pandispley na nabanggit na maaari n’yong ilagay sa inyong bakuran ay yari sa metal o bato. Sa ganyang paraan, mananatiling mainit ang inyong pagmamahalan habambuhay at magiging mabilis din ang pagdating ng dagdag-salapi at kayamanan sa inyong pamilya.


Kung ang mapipili n’yo namang elemento ay tubig. Maghanap kayo ng pigura ng dalawang batang lalaki na nakahubad, umiihi, at dapat tumatama ang ihi sa mga berdeng halaman sa harap ng inyong bahay. Sa ganyang paraan, ang maalab at maligayang pagmamahalan ay hindi mawawaglit sa bawat miyembro ng inyong pamilya.


Kung ang zodiac sign mo namang nasa pagitan ng Aries at Taurus at zodiac sign na Virgo ng mister mo ang tatanungin, kapwa kayo earth type sign. Kaya naman tama ang buwan ng Nobyembre para lumipat ng bahay, sapagkat ang Nobyembre ay nasasakop ng zodiac sign na “water” na siya ring elementong kailangan ng zodiac sign n’yo para tuluy-tuloy na umunlad at sumagana ang inyong samahan. 


Gayunman, isaalang-alang n’yo rin ang petsang November 11 to 20, 2024 upang higit na makumpleto at mas maging maligaya ang inyong pamilya sa paglipat n’yo ng bahay.


Dapat bago kayo lumipat, ituon n’yo ito sa panahon ng first quarter, new moon o full moon ang buwan, upang tulad ng liwanag at sinag ng buwan, para patuloy din ang pagbuhos ng mga biyaya at pagpapala sa inyong pamilya at sa bago n’yong lilipatang bahay.


Mapalad n’yo namang kulay ang lahat ng hibo o shade ng green para sa labas at loob ng bahay, habang pula at pink naman ang masuwerteng kulay para sa inyong bubong.


Huwag n’yo ring kalilimutang ipa-blessing muna sa isang pari ang bagong bahay na inyong lilipatan, upang mapanatili ang positibong magdadala sa inyo ng suwerte at kaligayahan habambuhay.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 11, 2024



Dear Maestro,


Isa na akong biyuda ngayon. Matagal na rin mula nang mamatay ang aking asawa, kaya naman mag-isa ko na lang itinataguyod ang aming mga anak. 


Apat din ang anak namin, kaya hirap na hirap, lalo na pagdating sa pampinansyal. Baon na rin ako sa pagkakautang, kaya naman naisipan ko nang sumangguni sa inyo para itanong kung puwede ba akong makahingi ng mapalad na numero na maaari kong tayaan sa lotto? 


Sa ngayon ay may maliit akong tindahan, pero wala na ito halos laman. Kaya kung mabibigyan lang ako ng pagkakataon na magkaroon ng malaking puhunan, balak ko sana kumuha ng puwesto sa palengke o kaya sa bayan para mas mabilis akong umasenso at umunlad. 


Ang birthday ko ay April 28, 1985. 

Umaasa, 

Cheska ng Lawang Pari, SJDM, Bulacan


 

Dear Cheska, 


Ang birth date mong 28 o 1 (ang 28 ay 2+8=10/ 1+0=1), ang nagsasabing ikaw ay pinaghaharian ng planetang Sun o Araw, na nagkataon ding 1 ang destiny number mo dahil sa ganitong komputasyon, (4+28+1985=2017/ 20+17=37/ 3+7=10/ 1+0=1). Ibig sabihin, sa panahong maaraw ang kapaligiran, may malaking suwerte kang matatanggap, higit lalo kapag napakainit ng sikat ng araw at maalinsangan ang kapaligiran. Sa panahong ganu’n ang klima sa ating kapaligiran, may malaking suwerte kang matatanggap. 


Bukod sa nasabing panahon ng tag-araw, likas ka ring mapalad tuwing sasapit ang ika-19 ng Mayo hanggang sa ika-28 ng Oktubre at mula sa ika-19 ng Disyembre hanggang sa ika-28 ng Enero. 


Sa mga panahong iyon, panayin mo ang pakikipagsapalaran, sapagkat sa nasabing mga panahon, malaki ang posibilidad na makasapul ka ng jackpot, higit lalo kung ang petsa sa kalendaryo ay tumapat sa 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 5, 14 at 23, lalo na kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Linggo, Lunes at Miyerkules.

Mapalad ka naman sa batong emerald na may kasamang gold na singsing, bilang pantaboy sa negatibong pangyayari at panghigop na rin ng suwerte at magandang kapalaran.


Bukod sa sarili mong numerong 1 at 6, ang 6 ay numero ng zodiac sign mong Taurus, mapalad ka rin sa lahat ng numero na may sumatotal na 8, 4 at 7, tulad ng 17, 26, 35, 13, 22, 31, 40, 16, 25, 34, at 43. Maaari ka ring humugot ng kumbinasyon mula sa numerong hango sa Aklat ng Kabala, 9828/ 1732/ 1627/ 1451.


Samantala, sa taong 2025 hanggang 2026, sa edad mong 40 hanggang 41 pataas, madali kang makakasapul ng jackpot, lalo na kung maghahanap ka ng lotto outlet na nasa harapan ng simbahan at iba pang bahay dalangin, puwede rin ang lotto outlet na nakaharap sa silangan ang pintuan na rehas na bakal. Ang nasabing lotto outlet na nasisikatan ng unang sinag ng araw sa umaga ang magpapatama sa iyo ng jackpot.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page