ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 22, 2020
Siniguro ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na handa ang bansa sa posibilidad ng paglobo ng kaso ng COVID-19 kasabay ng pagbubukas ng Quezon Institute-Philippine Tuberculosis Society Inc. Modular Hospital and Dormitory sa Quezon Institute compound sa Quezon City.
Ang dalawang units ng naturang modular hospital na mayroong 44-bed capacity ay ilalaan para sa mga COVID-19 patients na may moderate at severe na kaso. Ang 2 units naman ng dormitories na may 64 beds ay ilalaan para sa mga health workers.
Pahayag ni NTF Deputy Implementer Vince Dizon, “Nakikita po natin na tumataas ang ating kaso. Hindi naman po ito nakakagulat. Marami pong lumalabas dahil after months of quarantine, gustong makasama ang mga mahal sa buhay dahil magpa-Pasko. Pero hindi po puwedeng maging kampante. Kaya lagi pong handa ang ating mga pasilidad kung tumaas man po ulit ang mga kaso.”
Saad naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, “The government is prepared for any possibility and is on top of the situation.” Ang mga medical teams mula sa Department of Health (DOH) at Jose Reyes Memorial Hospital ang mamamahala sa Quezon Institute-Philippine Tuberculosis Society Inc. Modular Hospital and Dormitory.
Saad pa ni Villar, “Rest assured we will continue to work very hard kahit alam po natin na malapit nang magkaroon ng vaccine [against COVID-19].” Samantala, nakapagtala ang DOH ng 1,314 na karagdagang kaso ng COVID-19, 247 bilang ng mga gumaling at 66 na pumanaw ngayong Disyembre 22.
Patuloy naman ang paalala ng pamahalaan sa publiko na limitahan ang selebrasyon ng Pasko at iwasan ang pagbi-videoke at patuloy na sumunod sa health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.