ni Lolet Abania | April 26, 2021
Pinatatahimik ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., sa pagkokomento sina Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. at Larrine Badoy, pawang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kaugnay sa mga isinasagawang community pantry.
Ayon kay Esperon, chairman ng NTF-ELCAC, layunin ng ‘gag order’ na maiwasan na magkaroon ng kalituhan patungkol sa inisyatibo ng bayanihan.
“Yes, I did if only to emphasize that NTF ELCAC or Gen. Parlade or USec Badoy are not against bayanihan or community pantries,” ani Esperon. Sinabi rin ni Esperon na naiintindihan naman nina Parlade at Badoy ang inilabas niyang gag order at suportado rin ng dalawa ang bayanihan spirit sa mga isinasagawang community pantry.
Tiniyak din ni Esperon na suportado nila ang lahat ng itinatayong community pantry sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Una rito, itinanggi ni Parlade na kanyang iniuugnay ang ilang organizers ng community pantries sa rebeldeng komunista.
Subalit aminado si Parlade na ginagaya ng maka-kaliwang grupo ang mga community pantry sa maraming lugar sa bansa.