ni Lolet Abania | June 24, 2021
Naglabas na ng opisyal na pahayag ang mga kapatid ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III hinggil sa dahilan ng kanyang pagpanaw ngayong Huwebes.
Sa binasang pahayag ni Pinky Aquino-Abellada, renal disease o sakit sa bato, secondary to diabetes, ang naging dahilan ng kanyang pagpanaw habang natutulog ngayong alas-6:30 nang umaga sa kanilang bahay sa Times Street, Quezon City.
Kasabay nito, pinasalamatan din ng pamilya ang lahat ng Pilipinong naghalal kay PNoy sa House of Representatives, sa Senado at bilang pangulo nu'ng taong 2010. “Mission accomplished ka, Noy. Be happy now with Dad and Mom,” ani Pinky na naging tagapagsalita ng pamilya.
“We love you and we are so blessed to have had the privilege to have had you as our brother. We’ll miss you forever,” dagdag ni Pinky. Si Aquino ang nag-iisang anak na lalaki ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. at ng itinuturing na icon of democracy na si dating Presidente Corazon Aquino.
Sa pahayag ni Pinky, inalala ng magkakapatid kung gaano kasakit sa kanilang kalooban na makita si PNoy na isang napakapribadong tao ang piniling manatiling tahimik sa kabila ng mga akusasyon at kritisismo na ibinabato sa kanya matapos ang termino bilang pangulo.
“Natatak sa aming mga magkakapatid na noong sinabihan namin siyang magsalita at labanan ang mga maling haka-haka, simple ang isinagot niya — kaya pa niyang matulog sa gabi,” saad ni Pinky.
Matapang umano na hinarap ng kanyang kapatid ang lahat ng alegasyon laban sa kanya sa Sandiganbayan, sa Senado at maging sa House of Representatives.
Matatandaang noong November, 2017, naghain ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng criminal complaint laban kay Aquino hinggil sa Mamasapano encounter.
Dumalo rin siya sa isang Senate inquiry tungkol sa isyu ng Dengvaxia noong December ng pareho ring taon. Noong 2018, dumalo naman si PNoy sa inquiry ng House of Representatives hinggil sa dengue vaccine.
“Because when you enter public service, when you serve with honesty and dignity, and you know you have committed no crimes against the people, hindi ka matatakot magsabi nang totoo,” sabi pa ng magkakapatid na Aquino.
Ang mga labi ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay dadalhin sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.