ni Lolet Abania | November 7, 2020
Nakahambalang na mga trak ang matatagpuan sa ilang entry at exit points ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Pampanga ngayong Sabado ng umaga bilang protesta laban sa polisiya na ipinatutupad ng kumpanya kung saan hindi pinapayagang makapasok at gamitin ang nasabing expressway ng mga 12-wheeler trucks.
Nagsimula ang protest action bandang alas-6 ng umaga kanina na nagdulot ng matinding trapiko sa lugar. Maraming motorista ang hindi makadaan sa mga naturang lugar at naantala sa kanilang pagbiyahe papasok at palabas ng NLEX dahil sa mga nakaparadang trak.
Ayon kay Lennard Lansang, pangulo ng Pampanga Truckers Association (PTA), sadya nilang iniharang ang kanilang mga trak sa northbound at southbound ng entry at exit points ng San Simon, San Fernando, Mexico, Angeles, Dau at Mabiga.
Nagpoprotesta ang mga truckers dahil sa naging desisyon ng management ng NLEX na hindi papayagan ang mga 12-wheeler trucks sa expressway sanhi umano ng overloading. Gayunman, ayon sa PTA, matagal na silang nakikipagnegosasyon sa NLEX tungkol dito simula pa noong Agosto subali’t hanggang ngayon ay walang naging sagot ang kumpanya.
Gayundin, naiulat na maging si Pampanga Gov. Dennis Pineda ay nakipag-usap na sa nasabing kumpanya para payagan ang mga trak na makapasok at gamitin ang NLEX subali’t wala ring tugon tungkol dito.
Ayon pa sa PTA, nakatakda ang pagpupulong ng grupo sa NLEX management kahapon subali’t walang dumating na kawani mula sa nasabing kumpanya.
"Naghihintay pa rin kami sa isasagot ng NLEX. Ito lang ang paraan namin para ipaalam ang aming problema," sabi ni Lansang. "Humihingi kami ng malaking paumanhin sa mga biyahero. Ito lang paraan namin para maiparating ang maling pamamaraan ng NLEX sa mga biyahero," dagdag niya.