ni Lolet Abania | January 20, 2021
Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagdinig ng House of Representatives ang panukala ukol sa pagpapatupad ng ‘no-touch gesture’ upang maiwasan ang physical contact habang may pandemya ng COVID-19.
Sa bilang na 212 affirmative votes, isang negative vote at isang abstention, naaprubahan ng Kamara ang House Bill 8149 o ang panukalang "Bating Pilipino Para Sa Kalusugan Act," kung saan ang may-akda ay si Marikina City Representative Bayani Fernando.
Sa bagong pagbating gagawin, ang kanang kamay ay nakalagay sa gitna ng dibdib kasabay ng bahagyang pagyuko habang ang mga mata ay nakapikit o nakababa ang pagtingin.
Ang nasabing panukala ay dapat isagawa ng mga mamamayang Pilipino at lahat ng naninirahan sa Pilipinas.
Gayundin, sa ilalim ng panukala, ang lahat ng ahensiya ng gobyerno ay may mandatong magbigay at magpakalat ng impormasyon tungkol sa ‘no-touch gesture’ habang patuloy na isinasagawa ang ganitong bagong pagbati.