ni Thea Janica Teh | December 5, 2020
Binalaan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na sususpendihin nito ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) kung hindi nito aayusin ang RFID installation drive na nagdudulot ng traffic sa kanilang lugar.
Sa inilabas na sulat nitong Biyernes, sinabihan ni Gatchalian si Engr. Abraham Sales, ang executive director ng Toll Regulatory Board na nagdudulot ng malubhang traffic sa kanilang lugar ang isinasagawang RFID system.
Dagdag pa ni Gatchalian, kung walang permit ay hindi ito papayagang kumolekta ng toll. Aniya, “Remember, ang isang company na walang business permit or suspended ang business permit, ibig sabihin, hindi puwedeng magnegosyo o mag-collect sa city jurisdiction… makakadaan pero walang collection dapat.”
Bukod pa rito, nakakasama umano ang dulot na traffic sa peace and order and welfare na ipinalalaganap sa mga residente ng kanilang siyudad. Kaya naman, binigyan na ni Gatchalian ng 24-oras na deadline ang NLEX upang makagawa at makapagpasa ng action plan at 72 oras upang makapag-isip ng dahilan kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanilang business permit.
Matatandaang inanunsiyo ng Metro Pacific Tollways Corp. na siyang nag-o-operate ng NLEX at SCTEX na magiging 100% cashless na ang pagbabayad sa toll sa pamamagitan ng RFID system simula ngayong Disyembre upang makaiwas sa pagkalat ng COVID-19.