ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 7, 2020
Tuluyang naghain ng business permit suspension si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian laban sa North Luzon Expressway (NLEX) ngayong Lunes nang hapon dahil sa aberya sa RFID na nagdulot ng matinding trapiko.
Aniya, “We don’t want to cause more anxiety sa ating riding public.”
Paglilinaw naman ni Gatchalian, “Ang nilalaman lang nu’n, number one, suspended na ‘yung business permit nila. Number two, itataas nila ‘yung mga barrier kasi tuloy ‘yung operations nila.”
Tuloy pa rin naman ang operasyon ng NLEX ngunit hindi sila maaaring maningil ng toll fee hanggang hindi natatapos ang suspensiyon.
Personal na inihain ni Gatchalian ang suspension notice sa Mindanao Ave tollgate, Bgy. Ugong dahil hindi nakapagsumite sa itinakdang 5 PM deadline ang NLEX ng kanilang action plan kaugnay ng mga anomalya sa RFID system.
Nais din ni Gatchalian na mag-public apology ang management ng NLEX dahil sa insidente.
Samantala, pahayag naman ni NLEX Senior Vice President for Communications Atty. Romulo Quimbo, “Sinabi po namin sa letter na unang-una, kinikilala po namin na meron kaming mga technical problems po roon sa pag-implement ng 100% cashless [system]. Pangalawa, humingi po kami ng pang-unawa at paumanhin sa mga taga-Valenzuela.
“Pangatlo po, naglagay po kami ng mga aksiyon, mga hakbang na aming gagawin nang hindi na po maulit itong heavy traffic around the Valenzuela toll plaza.”
Aniya pa, “Para sa amin po, ang paniningil po ng toll ay sakop po ‘yan ng national government at ng Department of Transportation at saka ‘yung attached agency na Toll Regulatory Board, so mainam po na idulog doon ‘yung issue nang magkaroon po ng proseso.”