top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 22, 2023




Nagkakaroon ng mahigpit na daloy ng trapiko matapos na magsagawa ng "caravan protest" ang grupo ng truckers sa Bonigavio Drive kahapon ng umaga sa Port Area, Maynila.


Nagsimula ang protesta, alas-7 ng umaga sa Anda Circle kung saan tinututulan ng mga truck company ang ipinatutupad na toll hike increase sa North Luzon Expressway.


Umabot sa 100 trak o dalawang kilometro ang haba ng isinagawang protesta malapit sa Manila North Harbour hanggang sa Anda Circle.


Balak din ng grupo na ibalagbag ang kanilang mga truck sa bukana ng NLEX upang ipakita ang kanilang pagtutol.


Nabatid sa Central Luzon Alliance of Concerned Truck Owners Organization (ACTOO) na naging epektibo ang toll hike noong Hunyo 15.


Umaabot umano sa P19 hanggang P100 ang ipinatutupad na taas- singil sa toll fee.


 
 

ni Mai Ancheta @News | July 21, 2023




Nagbanta ang isang grupo na ibabalagbag nila ang kanilang mga trak sa North Luzon Expressway bilang protesta sa taas-singil sa toll fee.


Ayon sa Alliance of Concerned Truck Owners Organization nag-uusap na ang kanilang miyembro para sa pinaplanong kilos-protesta.


Sinabi ni Connie Tinio, director ng grupo na ang kanilang puwersa ay manggagaling sa iba't ibang exit ng NLEX.


Nahihirapan na aniya ang kanilang grupo sa gastos simula nang ipatupad ang toll hike noong June 16 na mula P19 hanggang halos P100 na dagdag.


Sinabi naman ni Julius Corpuz, spokesman ng Toll Regulatory Board (TRB), na kailangang magpadala ng pormal na petisyon ang ACTOO, pero ang problema ay lumagpas na sa 90-day period na ibinigay sa mga motorista para umapela sa TRB.


Sinabi ni Corpuz na idudulog nila sa kanilang tanggapan ang isyu ng grupo upang matukoy kung puwede pa silang mag-file ng kanilang pagtutol sa toll hike.


Nanawagan ang TRB sa mga trucker na isaalang-alang ang kapakanan ng mga motorista at commuters na posibleng maapektuhan sa kanilang plano.


"Igagalang po namin ang kanilang karapatan upang ilabas ang kanilang saloobin and we are too hopeful na they will be very responsible naman that they will not create inconvenience or discomfort sa ibang motorists," ani Corpuz.


Pinababantayan na ng TRB ang lahat ng exit points ng NLEX at nagpatulong sa Philippine National Police at Metro Manila Development Authority (MMDA).


 
 

ni Mylene Alfonso | June 24, 2023




Isang linggo mula nang tumaas ang singil sa toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX), patuloy ang reklamo ng maraming gumagamit dito sa lumalalang sitwasyon ng trapiko, lalo na kapag peak hours.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, dapat inudyok na muna ng Toll Regulatory Board (TRB) ang operator ng NLEX na tugunan ang problema sa trapiko sa kahabaan ng toll road bago ito pumayag na magtaas ng toll.

“Imbes na magtaas ng toll sa NLEX, dapat inobliga ng TRB ang NLEX Corporation na ayusin ang problema sa choke points sa kahabaan ng toll road. Dapat sinukat muna ng TRB ang performance ng expressway,” ani Gatchalian.

Sinabi pa ng senador na ang pumapalpak na electronic toll collection system ng NLEX Corporation ay isang sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa mga toll booth.


Dapat ding tiyakin, aniya, ng NLEX ang regular na pagpapanatili ng isang maayos at ligtas na expressway para sa kaginhawaan ng mga gumagamit ng daan.

Sinabi rin ng senador na ang sitwasyon ng trapiko sa kahabaan ng NLEX ay inaasahang lalala pa kapag nagbukas na sa 2027 ang bagong international airport na itatayo sa Bulacan.

Ipinatupad kamakailan ng NLEX ang provisional toll adjustment na karagdagang P7 sa “open system” nito para sa Class 1 na sasakyan tulad ng mga kotse, jeepney, van, o pickup mula Balintawak hanggang Marilao sa Bulacan.


May karagdagang toll fee naman na P17 para sa Class 2 na sasakyan tulad ng mga bus at light truck at karagdagang P19 para sa Class 3 na sasakyan tulad ng mga malalaki at mabibigat na trailer truck.


Sa “closed system” naman, nagbabayad na ngayon ang mga motorista ng karagdagang P26 para sa Class 1, P65 para sa Class 2, at P77 para sa Class 3 mula Marilao hanggang Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga.


Batay sa Consolidated Resolution ng TRB Case Nos. 2018-02 at 2020-07 ng TRB, staggered basis ang pagpapatupad ng toll increase sa 2023 at 2024.


Nangangahulugan na bukod aniya sa pagtaas ng toll ngayong taon, magkakaroon pa ng karagdagang pagtaas sa susunod na taon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page