ni Nitz Miralles @Bida | Oct. 19, 2024
Photo: Heart Evangelista / IG
May post si Heart Evangelista sa Instagram (IG) na “Just some thoughts- numbers, ratings, likes will always change. It should never determine your worth. (If by chance you make it- be thankful to those who blessed you with love)- be kind (sometimes) it’s the hardest thing to do) but KINDNESS WILL always WIN - it’s not how fast you get there... It’s all part of the story, the show of your life is NOT gonna end with 1 season after all there has got to be more! So don’t rush! You’re on your own path, take your time, it’s not a rat race.”
Tila sagot ‘yun ni Heart sa inilabas ng Launchmetrics na siya ang top celebrity sa katatapos na Paris Fashion Week (PFW).
Sa lumabas na data, sa buong fashion week, Heart delivered a $10.6M in media impact value (MIV) sa mga appearances niya sa shows ng Louis Vuitton, Balmain, Schiaparelli, Elie Saab, Dior at iba pang shows na kanyang pinuntahan.
Tapos na ang mga fashion week, mapapahinga ang mga fans nina Heart at Pia Wurtzbach sa awayan at parinigan, until the next fashion week o sa mga ganap na pareho silang invited.
Samantala, sa October 26, 9:30 PM na ang airing ng docu series ni Heart na Heart World sa GMA-7. Marami na ang nag-aabang dito na ipapakita ang mga ganap ni Heart kapag nasa mga fashion week.
Sa post ni Heart na “This is for you my darling #Heartworld,” pati mga fans ni Heart Evangelista sa ibang bansa, gusto itong mapanood.
NAGPAABOT ng pasasalamat si Sanya Lopez sa positive feedback sa acting niya sa Pulang Araw (PA) and to think, ang napanood pa lang na eksena ay noong hinuli siya ng mga Hapon at ‘yung narinig niya ang iyak ng kapwa babae na nire-rape ng mga Hapon, posibleng maging simula na rin ng pagiging comfort woman niya.
Marami pang mahihirap na eksena si Sanya bilang si Teresita, kaya marami pang papuri siyang matatanggap.
Sey niya, “Halu-halo na nararamdaman ko... nakakataba ng puso ‘yung mga komento ninyo sa eksenang napakasakit sa puso. Maraming salamat po.”
Dagdag pa niya, “Maraming-maraming salamat po talaga dahil maganda ‘yung komento nila sa sobrang sakit na eksena na ginagawa namin.
“Though mabigat s’ya pero after naming gawin ‘to, ang nasa isip ko lang talaga, ito lang ‘yung kaya kong ibigay para du’n sa mga comfort women natin para maipakita natin sa ibang mga kababaihan at sa mga ibang mga Pilipino ‘yung istorya ng buhay nila.”
Kahit si Sanya, nahihirapang panoorin ang mabibigat na eksena sa Pulang Araw, lalo pang bumigat sa eksena ng mga comfort women.
Sa husay nila nina Ashley Ortega at Rochelle Pangilinan, may mga nadadala sa eksena. May nagmu-mute ng kanilang TV, may umaalis sa harap ng telebisyon, may mga napapamura at may mga nagalit sa mga Hapon. Ito ay kahit hindi pa sila ipinanganak noong panahon ng giyera.
May mga umiiyak at may ini-skip kapag ‘yun na ang eksena at ‘yung pagpapahirap ng mga Hapon sa mga Pilipino.
NAIS ipaalam ng MTRCB na nakiisa sila sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair para sa mga Manggagawa sa Paglikha.
Bilang pagsuporta sa mga manggagawa ng pelikula, telebisyon at mga kaparehong sangay, dumalo ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa two-day event na ginawa sa Philippine Sports Complex, Pasig City noong October 13 and 14.
Ilan sa mga dumalo ay mula sa organisasyon ng mga aktor, nasa likod ng produksiyon, at mga manunulat at director sa industriya.
Sa event na ‘yun, sinagot ng MTRCB ang mga tanong ng more or less 200 na katao mula sa industriya tungkol sa proseso ng registration ng MTRCB at iba pang serbisyo ng ahensiya.
Namahagi rin ang Board ng Information and Education Campaign materials sa mga benepisyaryo.
“Kinikilala natin ang malaking ambag ng bawat manggagawa sa industriya ng paglikha. Ang kanilang trabaho ay tunay na napakahalaga sa paghubog ng moralidad at perspektibo ng bawat Pilipino,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio.
Nagsilbi rin bilang one-stop shop para sa mga benepisyaryo ang naturang programa na dinaluhan ng nasa 23 ahensiya kabilang ang MTRCB, at nagbigay ng aabot sa 100 serbisyo para sa mga lumahok sa BPSF.
Ang two-day BPSF event ay programa na handog ni President Bongbong Marcos para sa mga manggagawa sa industriya ng paglikha.