ni Nitz Miralles @Bida | Oct. 29, 2024
Naku, aakusahan nito ng mga fans ni Daniel Padilla na ginagamit ni Kathryn Bernardo ang ex-boyfriend sa promo ng movie nila ni Alden Richards na Hello, Love, Again (HLA). Ito ay dahil sa interview sa aktres sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), nabanggit na naman si Daniel.
Sabagay, natanong ni Boy si Kathryn sa naging relasyon nila ni Daniel, kaya sumagot at nag-open-up naman ang aktres sa relasyon nila ng ex.
Sabi kasi ng mga fans ni Daniel, gamit na gamit ang aktor sa promo ng movie at sana raw, mag-promote na lang si Kathryn nang hindi nababanggit ang ex. Parang ang lumalabas daw, kasali sa cast ng movie si Daniel.
Ayon kay Kathryn, marami siyang natutunan sa 11 years nilang relasyon. Maganda ang kanyang mga sinabi sa relasyon na ‘yun.
Sey ni Kath, “I’ve only been to one relationship that lasted for 11 years. I’ve learned so much from my past relationship. I’m talking about growth, I’m talking about being unselfish, about gratitude, dreams and all. Lumaki ako sa 11 years na relationship na ‘yun.”
Muling inimbitahan ni Ice Seguerra at ng Fire and Ice Media si Ms. Boots Anson-Roa sa repeat ng Ice Seguerra Videoke Hits: OPM Edition Isa Pa! happening on November 8, 2024, 8 PM, sa Music Museum. Ito ay para makasali si Ms. Boots sa videoke with the audience at makasayaw.
Sa mediacon ng repeat ng concert ni Ice, naikuwento niyang nag-text si Ms. Boots sa kanya after watching his concert at pabirong nagreklamo na bakit hindi siya pinakanta at pinasayaw?
Akala ni Ice, manonood lang ito at hindi niya sukat-akalaing gusto ring mag-videoke at sumayaw.
“Kaya sa November 8, repeat ng concert, iimbitahan namin uli s’ya, pakakantahin at pasasayawin,” sabi ni Ice.
Kaya sa manonood sa Nov. 8, expect Miss Boots na isa sa mga kakanta at sasayaw, at gusto naming malaman kung ano ang kakantahin niya.
Kuwento pa ni Ice, isa sa mga rason kung bakit marami ang nanonood at mabilis mag-sold-out ang tiket sa concert ay dahil lahat, gustong kumanta at makasali sa kasiyahan.
Ayon pa kay Ice, sa pilahan pa lang, pinag-uusapan na ng audience kung ano ang kakantahin nila. Kaya alam ni Ice na hindi siya mapapahiya kapag itinapat ang microphone sa audience dahil alam na kakanta ang sinumang matapatan ng microphone. Siguro nga, sa bahay pa lang, nagre-rehearse na ang audience.
Hindi sa November 8 ang last na Ice Seguerra Videoke Hits: OPM Edition Isa Pa! dahil plano ng Fire and Ice Media na dalhin ang concert sa Singapore at Hong Kong, kung saan maraming OFWs. Naghahanap lang sila ni Liza Diño-Seguerra ng mga investors para madala ang concert sa nasabing bansa.
“Plano rin naming dalhin ang concert sa Middle East, basta marami ang OFWs at sure kami, they will love the show,” ani Ice.
Ang planong dalhin ang concert kung saan maraming OFWs ay isa lang sa mga plano for next year nina Ice at Liza at ng kanilang production. Nasa plano rin ang isang major concert at movie production, with Ice directing the movie and Liza writing the script.
Abangan na lang natin ang mga projects from Fire and Ice Media, but for now, mag-concentrate muna kayo sa rehearsal ng kakantahin n'yo sa November 8. It will be another blast and a concert na hindi ninyo makakalimutan.
PUNO ang Viva Cafe sa mga fans ng Magic Voyz na nanood sa first concert ng all-male group at nagdagdag pa ng tables para ma-accommodate ang maraming fans na gustong maging part sa concert ng mga talents ni Lito de Guzman.
Nagulat kami dahil hindi lang mga babae at becki ang mga fans ng grupo, may mga straight guys din.
Isa pang ikinagulat namin, alam ng mga fans ang song ng Magic Voyz na 'Wag Mo Akong Titigan na first single nila at ang second single na Bintana. Naki-sing-along sila at nagkatuwaan pang lalo nang ipalabas ang music videos ng two songs.
Tuwang-tuwa ang Magic Voyz sa dami ng dumating sa first concert nila. Hindi nasayang ang one month rehearsal nila at hindi rin nila binigo ang manager nilang si Lito.
Pangako ng grupo, mas gagalingan pa nila ang performance sa susunod nilang concert na nakaplano na. Kailangan lang ma-release muna ang third single ng grupo na ayaw pa nilang ipaalam ang title. Si Johan Shane uli ang composer ng song at siya rin ang sumulat ng two hit songs nila.
After their concert at habang pinaghahandaan ang next concert, busy muna ang Magic Voyz sa TV guesting para mas makilala pa sila. Para rin madagdagan ang FB followers nila na very proud nilang ibinalita na umabot na sa 1 million.
Bukod kay Johan, ang iba pang members ng Magic Voyz ay sina Jhon Mark Marcia, Juan Paulo Calma, Mhack Morales, Rave Obado, Jace Ramos, Ian Briones at si Asher Diaz na bago nilang member.
In fact sa concert nila noong October 27, ipinakilala si Asher na malakas agad ang dating sa mga fans ng grupo na ipinagmamalaki ng LDG Productions.