ni Nitz Miralles @Bida | Dec. 22, 2024
Nagbiro si Direk Mike Tuviera na hindi lang red carpet premiere night ng The Kingdom (TK) ang nangyari sa Gateway Cinema 11 noong December 20. Pa-block screening daw ‘yun ng Sotto clan dahil buong Sotto yata ang nanood ng movie nina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual.
Mula kay Tito Sotto at ibang kapatid ni Vic, mga anak, apo, asawa at kamag-anak, nandu'n.
Sa mga anak ni Vic, si Paulina Sotto at ang bunso nila ni Pauleen Luna na si Mochi lang ang wala. Dumating sina Oyo Sotto with his kids, Danica Sotto-Pingris and kids at si Pasig City Mayor Vico Sotto.
Present din si Tali Sotto na before the showing of the movie at pagpasok ni Vic sa cinema, panay ang sigaw ng “Dada”. May photo ang mag-ama after the premiere night na umiiyak si Tali habang nakayakap kay Vic.
Sa dami ng nanood, kinailangang three cinemas ang paglabasan ng TK at pinuntahan nina Vic at Piolo Pascual at ibang cast ang Cinemas 12 and 15 bago pumunta sa Cinema 11.
Sabi ni Vic, “Five days na akong hindi nakakatulog sa excitement at kaba.”
First time yata nitong napanood ang movie sa premiere night at ramdam ang excitement sa paulit-ulit na sabing “Panoorin na natin ang pelikula.”
Pang-filmfest ang movie at dahil PG ang rating ng MTRCB sa pelikula ni Direk Mike Tuviera, makakapanood ang mga bata. In fact, ang daming bata na nanood at hindi naman siguro nila na-miss si Vic na nagpapatawa. Nagulat pa siguro ang mga bagets na keri nitong magseryoso.
Mahusay si Vic sa role niya bilang si Lakan Makisig, ganu’n din si Piolo Pascual sa role ni Sulo. Pareho silang dapat ma-nominate sa ginampanan nilang role.
Mapapanood din sa TK kung para saan ang training ni Piolo ng arnis at ang training ni Vic sa paggamit ng punyal.
Samantala, nakatanggap ng tig-dalawang palakpak sina Vic at Piolo at sa ending, binigyan ng standing ovation ang cast ng mga nanood sa premiere night. Kasama sa pumalakpak sina Marco Gumabao at Dominic Roque na sinuportahan ang mga dyowa nilang sina Cristine Reyes at Sue Ramirez respectively.
May cameo rin pala si Mr. Manny Pangilinan, ang cute lang, artista rin pala ang MQuest Ventures boss na co-producer ng APT Entertainment at M-Zet Television Productions, mga producer ng pelikula.
Rated PG ng MTRCB at showing na simula sa December 25 in cinemas nationwide, ang TK ang sumunod sa movie ni Vice Ganda na may pinakamaraming sinehan for the 2024 MMFF.
Sa 43 sinehan lang mapapanood…
MOVIE NINA DENNIS AT RURU, UNDERDOG DAW KINA VICE AT VIC
Ang masayang balita ni Nessa Valdellon ng GMA Pictures at GMA Public Affairs, may 43 cinemas na ang Green Bones (GB) at wish nitong madagdagan pa ang sinehan na ibibigay sa kanila kapag nagsimula na ang 2024 MMFF sa December 25.
Noong una, 40 lang ang ibinigay na cinemas sa GB at marami ang nag-react. Dapat daw pantay ang mga sinehan na ibibigay sa 10 entries, pero tanggap ni Nessa ang limitadong sinehan na ibinigay sa kanila dahil based sa star power ang distribution ng cinemas.
Ang tawag nga ni Ruru Madrid sa kanila ay UD o “under dog”. Sabi naman ni Dennis Trillo, maganda kung magsisimula sila sa konting cinemas at tataas sa mga susunod na araw.
Tumutulong sa pagpo-promote ng GB si Jennylyn Mercado na co-producer ng movie together with Dennis sa kanilang Brightburn Entertainment.
Tumutulong din si Bianca Umali na dyowa ni Ruru sa pagpo-promote ng movie ni Direk Zig Dulay.