top of page
Search

ni Lolet Abania | May 7, 2022



Tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa publiko na walang mangyayaring problema sa power supply sa araw ng eleksyon sa Lunes, Mayo 9, 2022.


Sa isang interview ngayong Sabado, sinabi ni DOE-Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan na ang ahensiya ay nagsimula nang mag-monitor sa sitwasyon ng kuryente sa bansa nitong Mayo 2 para masigurong matatag at maaasahan ang suplay nito sa panahon ng eleksyon.


“So far, wala tayong nakikitang mga problema o potensyal na problema pagdating sa serbisyo ng kuryente lalong na sa eleksyon,” ani Marasigan.


Ayon sa opisyal, ang DOE ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa grid operator, National Grid Corp. of the Philippines (NGCP), mga power generation companies, at distribution utilities sa pagmo-monitor ng power situation nang 24 oras simula noong Mayo 2.


Binanggit naman ni Marasigan na nitong Biyernes, ang bansa ay nakapagrehistro ng kanilang pinakamalaking suplay ng kuryente para sa taon ng mahigit sa 14,000 megawatts (MW) kumpara sa demand nito na tinatayang 11,500 MW.


Sinabi pa ni Marasigan na ang Energy Task Force on Election ng DOE ay mayroong security group component, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG), upang i-secure ang mga power facilities sa mga lugar na tinukoy ng Commission on Elections (Comelec) bilang potential danger zones.


 
 

ni Lolet Abania | January 20, 2022



Posibleng magkaroon ng mga brownout sa Luzon sa darating na summer o tag-init, kasama na rito ang nakatakdang araw ng eleksyon, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).


Ito ang naging babala ng NGCP na anila, manipis umano ang reserbang kuryente dahil taun-taon ay tumataas ang konsumo ng lahat, habang kinakailangang magkaroon ng maraming itinatayong power plants bago pa ang tag-init.


Sinabi ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza, sakto lamang ang suplay sa inaasahang pangangailangan sa darating na tag-init, subalit sakaling may mga plantang pumalya maaari aniya itong mauwi sa red alert o power interruption.


“Kung kulang po ang supply ng kuryente at hindi ito sapat para mapunan ang pangangailangan natin, wala hong magiging choice ang transmission at distribution kundi mag-implement ng rotational power interruption. Ibig sabihin, ilang oras sa isang araw, posible po tayong mawalan ng serbisyo ng kuryente,” paliwanag ni Alabanza.


Hinimok naman ng NGCP ang mga consumers na mas magtipid pa sa paggamit ng kanilang kuryente para hindi na umabot sa tuluyang pagkaubos ng reserba nito.


Tinanong naman ni Department of Energy (DoE) Secretary Alfonso Cusi ang solusyong gagawin ng NGCP hinggil sa posibleng brownout sa Luzon.


Ayon kay Cusi, gumagawa ng paraan ang pamahalaan para masolusyunan ang problemang ito subalit ang NGCP na may responsibilidad dito ang siyang dapat na unang magresolba nito.


Kinuwestiyon din ni Cusi ang NGCP, kung tiniyak nitong available ang lahat ng power stations, konektado at walang nagaganap na congestion sa mga ito, habang nakakontrata ba aniya, ang ancillary services na maaaring magamit kapag nagkaroon ng emergency.


Sa ngayon, wala pang naging pahayag ang NGCP.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | December 21, 2021



Sinisikap ng gobyerno at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na maibalik ang suplay ng kuryente sa Visayas at Mindanao bago mag-Pasko.


Ito ay matapos ang pananalasa ng bagyong Odette.


Sa ngayon, Bohol na lang sa buong Pilipinas ang nasa total blackout.


Batay sa inisyal na pagsusuri, tinatayang nasa 500 poste ang natumba habang naayos na ng NGCP ang ibang transmission lines.


Kahapon ay target maibalik ang transmission line sa Agusan del Norte at Agusan del Sur at bago mag-December 25.


Sa ngayon ay wala pang kasiguruhan kung kailan maibabalik ang transmission lines sa mga lugar na nasapul sa Visayas.


"It's hard to speculate right now but given yung lateness ng date, Dec. 20 na ngayon at 'yung dami ng mga poste na nakita natin, best efforts tayo. At least sa city centers kung saan natin nakikita ang relief centers operations... 'Yan ang ating tatrabahuhin," ani NGCP spokesperson Cynthia Alabanza.


Problema rin ng NGCP ang suplay ng petrolyo para mas mabilis ang pag-aayos ng mga nasirang linya.


"Siyempre our stake trucks and our vehicles also run on gasoline and diesel so nahihirapan din kami cause it's short supply and nakapila kami with everyone else so we're trying to work out a situation or an arrangement where we can be prioritized," paliwanag ni Alabanza.


Samantala, may ilang lugar na posibleng ‘di kayaning maibalik ang kuryente bago mag-Pasko tulad ng Bohol, Siargao, Dinagat, at Cebu pero susubukan pa ring maihabol.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page