ni Lolet Abania | June 26, 2022
Iminungkahi ng Energy Regulatory Commission (ERC) ngayong Linggo sa papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos na ang pagdaragdag ng nuclear energy sa power mix ng bansa ay maaaring makapagpababa sa gastusin ng kuryente o electricity sa bansa.
Ito ang sinabi ni ERC chairperson Agnes Devanadera sa isang interview nang tanungin siya kung ano ang kanyang irerekomenda sa susunod na administrasyon upang i-address ang kasalukuyang problema sa power supply ng bansa.
“Kailangan ma-determine ng pamahalaan ano talaga ang energy mix. Anong percent ang renewable energy, anong percent ang coal, anong percent ang biomass? Isama na ang nuclear kasi ang hinahanap natin ay reliable and reasonably priced source of energy,” paliwanag ni Devanadera.
“Ang nuclear, isa ‘yan sa posibleng makapagpababa ng ating cost ng kuryente at ‘yan naman, iba ang technology sa nuclear. Hindi naman kailangan katulad ng Bataan Nuclear Power Plant na pagkalaki-laki. Meron na tayong modular na mas madaling itayo,” dagdag pa niya.
Ito rin ayon kay Devanadera kaya inalagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon Grid sa ilalim ng yellow alert status noong nakaraang linggo.
Ang yellow alert status ay indikasyon na ang grid ay mayroong thin reserves, base sa pagkakaiba sa pagitan ng supply at demand, kung saan may 11,959 megawatts ng available capacity laban sa 11,350 megawatts peak demand.
Subalit, paalala ni Devanadera sa administrasyong Marcos na ang paglalagay ng mga bagong sources ng energy gaya ng nuclear power ay maaaring tumagal ng mahabang panahon, kaya kinakailangan ng tinatawag na demand-side management para rito.
Una nang sinabi ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Gerardo Erguiza Jr., “[they would] ramp up the regulatory framework of the inclusion of nuclear energy in the country’s power mix which it hopes the next administration will adopt.”
Ayon kay Erquiza, pinag-aaralan na ito ng DOE para i-assess ang kaligtasan at seguridad ng nuclear power sa bansa na nakahanay sa international standards.