ni Mylene Alfonso @News | July 26, 2023
Ipinangako ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang pakikiisa nito sa pagtupad ng 2023 energy initiatives ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address.
Nangako ang NGCP na itutuon nito ang lahat ng kakayahan tungo sa mabilis na pagkumpleto at pagsasagawa ng mga proyekto.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng renewable energy at ang pagtaas ng antas nito sa iba't ibang pinagmumulan ng kuryente sa bansa, planong gamitin ng NGCP ang strategic partnership nito sa State Grid Corporation of China (SGCC).
Gamit ang malalim na kaalaman ng SGCC sa renewable energy integration, umaasa ang NGCP na palalakasin nito ang mga kakayahan ng ahensya para mapabilis ang paglipat sa renewable at sustainable energy sources.
Inuna rin ng NGCP ang pagpapabuti ng disaster-resilience o tibay ng grid infrastructure laban sa mga natural na sakuna.
“Nakikiisa kami sa sentimyento ng Pangulo. Bago pa man ang SONA, kumikilos na ang NGCP tungo sa mga plano at pangarap na kanyang binanggit,” ani Anthony Almeda, President at CEO ng NGCP.
Kabilang sa mga pangunahing prayoridad sa agenda ng NGCP ang mabilis na pagkumpleto ng Mindanao-Visayas Interconnection Project (MVIP) at Stage 3 ng Cebu-Negros-Panay Interconnection Project (CNP3). Upang mapabilis pa ang mga proyektong ito, nanawagan ang NGCP sa local government units (LGUs) ng agarang pagbibigay ng permit at suporta sa mga isyu ng right-of-way.