by Info @Brand Zone | Dec. 12, 2024
Pinuri ni Senador Win Gatchalian ang Office of the Ombudsman sa agarang aksyon nito kaugnay ng reklamong isinampa niya hinggil sa kontrobersyal na pagbili ng UC Malampaya sa 45% stake ng Chevron sa Malampaya gas project.
Sa desisyon nito noong Nobyembre 29, 2024, sinabi ng Ombudsman na may probable cause upang kasuhan si dating Department of Energy Secretary Alfonso Cusi at iba pang opisyal ng DOE dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Iniutos din ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa korte.
“Ang desisyon ay isang malinaw na pagpapatibay ng aming matagal nang sinasabi – na ang Chevron-UC Malampaya deal ay puno ng iregularidad at hindi naprotektahan ang interes ng publiko,” ani Gatchalian.
“Ang hakbang na papanagutin ang mga opisyal na ito ay isang hakbang patungo sa hustisya at paalala na ang mga lingkod-bayan ay dapat laging kumilos para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino,” dagdag niya.
Ang Chevron-UC Malampaya deal, na naisakatuparan sa pamamagitan ng isang Share Sale and Purchase Agreement (SPA) noong Oktubre 2019, ay nagbigay-daan sa UC Malampaya na makuha ang 45% stake ng Chevron sa gas field sa kabila ng kakulangan nito sa teknikal at pinansyal na kapasidad upang tugunan ang mga obligasyon nito sa ilalim ng Malampaya Service Contract. Sinabi ng Ombudsman na minadali ng mga naturang opisyal ang proseso ng pagsusuri at ang mga ito ay “kumilos nang may hayagang masamang hangarin, malinaw na pagkiling, o matinding kapabayaan.”
Muling iginiit ni Gatchalian ang kanyang matagal nang panawagan para sa pananagutan sa usaping ito, binibigyang-diin na maging ang Senado ay nagpahayag ng posisyon hinggil dito. “Noong Pebrero 2022, nagpatibay ang Senado ng isang resolusyon na humihimok sa pagsasampa ng nararapat na kasong kriminal at administratibo laban kina Cusi at iba pang opisyal ng DOE na nag-evaluate at nagrekomenda ng pag-apruba sa kwestyonableng kasunduang ito,” aniya.
Ang Malampaya gas project ay isang mahalagang mapagkukunan ng enerhiya para sa Pilipinas, na nagsusuplay ng malaking bahagi ng kuryente ng bansa. “Hindi lang ito tungkol sa mga direktang sangkot – ito ay tungkol sa pangangalaga sa seguridad ng enerhiya ng bansa at pagtiyak na ang tiwala ng mga Pilipino sa mga pampublikong institusyon ay mapanatili,” pagtatapos niya.