ni Angela Fernando @News | Dec. 17, 2024
Photo: Sen. Chiz Escudero - FB
Nagpahayag si Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring taasan ni Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 2025 budget ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng paggamit ng bilyon-bilyong natirang pondo mula sa mga nakaraang taon.
Binigyang-diin ni Escudero na may mga savings o unspent items ang DepEd sa 2024 budget na maaaring gamitin upang madagdagan ang nabawasang pondo ng ahensya para sa 2025.
"The President can augment any item in the budget from savings or unspent items in the budget... Madami naman po source to augment. DepEd and its Secretary should know because the submissions for the budget deliberations on their own dismal fund utilization came from them," saad ni Escudero.
Magugunitang nu'ng nakaraang linggo, ipinahayag ni dating Senate finance committee chairman at kasalukuyang DepEd Secretary Sonny Angara ang pagkadismaya sa P12-bilyong kaltas sa budget ng ahensya sa ilalim ng pinal na bersyon ng 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Angara, ang malaking bahagi ng P12 bilyon ay nakalaan para sa computerization program ng DepEd.