ni Eli San Miguel-Trainee @News | March 6, 2024
Hindi makabalik sa kanyang sariling bansa ang Prime Minister ng Haiti na si Ariel Henry, kaya’t nagtungo siya sa Puerto Rico noong Martes.
Kasalukuyang nalulubog sa krisis ang kabisera ng Haiti na Port-au-Prince dahil sa gang violence.
Pinagtangkaan ng armadong grupo na pinamumunuan ni Jimmy "Barbecue" Chérizier, na kontrolin ang international airport para pigilin ang pagbabalik ni Henry. Hiniling ni Chérizier ang pagbibitiw ni Henry sa puwesto, at nagbanta ng digmaang sibil kung hindi matugunan ang kanyang mga hiling.
Nagpasabog din ang mga rebelde sa mga istasyon ng pulisya at nagpalaya ng libu-libong preso mula sa dalawang bilangguan, bilang pagtatangka na patalsikin ang prime minister.
Sinabi ng United Nations na 15,000 katao ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan sa kabisera, na nagdagdag sa mahigit na 300,000 na dati nang nawalay dahil sa karahasan.
Nagdeklara na ang pamahalaan ng Haiti ng state of emergency noong Linggo sa gitna ng tumitinding karahasan sa Port-au-Prince.