ni Mai Ancheta @News | Feb. 22, 2025
Source: PAOCC
Inaresto ng mga operatiba ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang 465 na Pilipino at dayuhang manggagawa ng isang POGO hub sa harap ng Parañaque Integrated Terminal Exchange sa Parañaque City nitong Biyernes ng madaling-araw.
Sa nabanggit na bilang, 300 ay mga Pilipino, 137 ay mga Chinese, tatlong Vietnamese, dalawang Thai, dalawang Malaysian, isang Indonesian at isang Taiwanese.
Ayon sa PAOCC, ang sinalakay na POGO hub ay nag-o-operate bilang investment scam, love scam, at sport betting scam.
Limang Chinese na pinaniniwalaang mga opisyal ng POGO hub ang naaresto at sumasailalim sa imbestigasyon.
Libo-libong cellphones at daan-daang computers ang nakuha ng PAOCC sa ginawang raid katuwang ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), Bureau of Immigration, Southern Police District at Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay PAOCC Spokesman Dr. Winston Casio, hindi inalis ang posibilidad na may malakas na kapit na opisyal ng gobyerno ang mga nagpapatakbo sa scam hub dahil malakas ang loob na mag-operate sa kabila ng bawal na ang lahat ng POGO operations sa bansa.
Sinabi ng opisyal na hindi lamang mga dayuhang naaresto ang kakasuhan kundi pati na rin ang mga Pilipinong kasabwat ng mga ito na kasama rin sa mga hinuli ng raiding teams.