ni Lolet Abania | May 15, 2022
Todas ang 10 indibidwal habang tatlo ang nasugatan matapos na pagbabarilin sila ng isang 18-anyos na gunman sa isang grocery store sa Jefferson Avenue, Buffalo, New York nitong Sabado (New York Time).
Ayon kay Buffalo Police Department Commissioner Joseph Gramaglia, naganap ang pamamaril bandang alas-2:30 ng hapon, habang sumuko ang suspek sa pulisya matapos ang insidente. Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente, kung saan pinaniniwalaan nila itong isang hate crime at akto ng “racially motivated violent extremism.”
Sinabi rin ng pulisya na armado ang suspek na isang puti o white American ng isang assault-style rifle at mag-isang dumating sa Buffalo mula sa New York county ilang oras umano ang layo sa target niyang grocery store na itinuturing na komunidad ng mga itim na Amerikano o Black community.
Sa salaysay naman ng mga nakasaksi, pumasok ang suspek sa grocery store na nakasuot ng military-type gear at body armor, at may dalang rifle.
Ayon pa sa mga opisyal ng pulisya, 11 mula sa 13 biktima na tinamaan ng bala ng baril ay mga Black habang dalawa naman ay puti.
Kaugnay nito, ayon sa Philippine Consulate General, wala namang Pilipino na nadamay sa panibagong shooting incident na naganap sa Buffalo, New York.
“Initial reports received by Philippine Consulate General in New York indicate no Filipino casualties in mass shooting incident in Buffalo New York that left 10 people dead,” pahayag ni Consul General Elmer Cato. Aniya pa, mayroong 540 Pinoy na nasa Buffalo, New York sa ngayon.