ni Lolet Abania | January 15, 2021
Isang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang nadakip ng tropa ng militar at kapulisan sa Talisay City, Negros Occidental kahapon.
Sa nakalap na impormasyon mula sa Philippine Army's 3rd Infantry Division, nakilala ang suspek na si Ruffa "Reniel" Baynosa, residente ng Barangay San Jose, Toboso.
Sa isinagawang operasyon ng 79th Infantry Battalion at ng Talisay police, napag-alaman nilang si Baynosa ay nagtungo sa bahay ng isang Marilyn Dianton.
Agad na pinuntahan ng awtoridad si Baynosa at kinuwestiyon. Ayon sa awtoridad, si Baynosa ay may warrant of arrest sa kasong murder at frustrated murder na inisyu ni Presiding Judge Ma. Rita Bascos Sarabia ng Regional Trial Court Branch 58 ng San Carlos City.
Sinasabing si Baynosa ay sangkot umano sa nangyaring ambush sa mga sibilyan sa Barangay Salamanca sa Toboso noong July 2009, kung saan tatlong civilians ang namatay at tatlong iba pa ang nasaktan.
Pinasalamatan naman ni Lt. Col. Gerard Alvaran, commanding officer ng 79IB, ang ginawang pagsisikap ng tropa ng militar at mga kawani ng Talisay City Police Station para madakip si Baynosa.